Kuminang at naghari ang paboritong kabayo na si Gintong Hari sa katatapos na 2023 PHILRACOM PRHTAI Special Race In Honour of Mr. Juan C. Sordan na inilarga sa pista ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Sa simula ay agad na umarangkada si Oradas Gray upang mahawakan ang bandera, kinuha naman kaagad ni Gintong Hari ang ikalawang puwesto upang matiyak na hindi maiiwanan sa largahan, habang nasa ikatlong posisyon ang kanyang kacouple runner na si Humble Strike. Pagsapit sa kalagitnaan ng laban ay hindi pa rin iginagalaw ni Conrad “Bojie” Henson ang kanyang sakay na si Gintong Hari, habang abala pa rin sa pagtitimon sa harapan si Oradas Gray. Papasok ng far turn ay ang kulay abo na si Oradas Gray pa rin ang nasa unahan, habang dumidikit na ang ating bida na si Gintong Hari at humahataw na rin sina Hot Rot Hearts, Seychelles at Dugong Bughaw. Sa huling kurbada ay naagaw na ng winning horse ang bandera sa nauupos na si Oradas Gray, habang nagbabakbakan sa likuran sina Hot Rot Hearts, Seychelles at Dugong Bughaw. Pagdating sa rektahan ay tuluyan ng umigtad sa unahan si Gintong Hari at tinapos ang laban ng may malayong kalamangan. Pumorkas kay Gintong Hari si Hot Rot Hearts, pasok sa trifecta si Dugong Bughaw at si Seychelles ang bumuo sa quartet. Naorasan si Gintong Hari ng tiyempong 1:26.4 (13′-22′-24′-26) para sa distansyang 1,400 meter.