2 bangkay ng babae, nahukay batay sa salaysay ng salarin  

DALAWANG bangkay ang nahukay matapos ang pagsasalaysay at pagtatapat ng salarin sa krimen sa Lucena City, Quezon kamakailan.

Batay sa salaysay ng 29-anyos na suspek, nitong Hunyo 30 ay napatay niya ang 28-anyos na babaing kinakasama.

Nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa na humantong sa pananaksak at pag-chop sa katawan ng babae.

Hinati umano sa tatlong bahagi ang bangkay ng babae at matapos ilagay sa tatlong sako ang mga parte ng katawan ay inilibing ng suspek sa silong ng bahay nila sa Barangay 5, Lucena City.

Sa salaysay pa rin ng suspek, bukod sa naturang pangyayari noong Hunyo 30 ay mayroon na rin bangkay na unang inilibing sa silong ng bahay noong Marso.

Gayunaman sa paglalahad pa rin ng suspek ay katuwang umano niya ang kanyang live-in partner na kanyang napatay nitong Hunyo 30 sa pagpaslang sa babaing biktima.

Lumililitaw na halos magkatabi ang pinagbaunan o pinaglibingan ng suspek sa dalawang biktimang babae.

Nasa pangangalaga ng pulisya ang suspek para sa mga kaukulang kaso laban sa kanya. RUBEN LACSA