Bumida ang top choice na kabayo na si Malibu Princess sa pambungad na karera “2 Year Old Maiden Race” na ginanap noong nakaraang linggo sa karerahan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Naging agresibo ang hineteng si Pablito Cabalejo sa ibabaw ng kanyang sakay na si Malibu Princess upang masiguro ang panalo ng bagitong kabayo. Sa umpisa ay agad na umarangkada si She’s Royal upang makauna, humaharurot naman sa gawing labas ang may angkin tulin na si Maria’s Legacy, habang nasa likuran ang ating bida na si Malibu Princess dahil sa hindi magandang pagsalida. Pagsapit ng back stretch ay tangan pa rin si She’s Royal ang bandera, nakakapit pa rin sa ikalawang puwesto si Maria’s Legacy at nagsisimula ng magpainit si Malibu Princess. Bago pumasok ng home stretch ay naagaw na ni Maria’s Legacy ang bandera kay She’s Royal, habang rumeremate sa gawing labas si Malibu Princess. Sa rektahan ay bumubulusok pa rin ang ating winning horse kaya pagdating sa huling 100 meter ay tuluyan ng umigtad sa unahan si Malibu Princess kahit nahulog pa ang latigo ng hineteng si Pabs. Sumegundo kay Malibu Princess si Maria’s Legacy, tersero si She’s Royal at si Be Smart ang pumang-apat. Naorasan si Malibu Princess ng tiyempong 1:28.2 (13′-23-24′-27′) para sa 1,400 meter race.