Muling ibinida ng kabayong si La Trouppei ang kanyang angas matapos nitong siluhin ang korona sa katatapos na 2023 Philracom “1st Leg Triple Crown Stakes Race” na inilarga sa pista ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Naging kalmado ang hineteng si Kelvin Bete Abobo sa ibabaw ni La Trouppei na tila tantyado at kabisado na ang galing sa pagremate ng kanyang sakay na kabayo. Sa largahan ay nakauna sa paglundag ang matulin na si (1)Istulen Ola na nirendahan ni John Alvin Guce, agad naman na umarangkada sa gawing labas si Jaguar na pinatnubayan ni Jeffril Zarate upang makipagsabayan sa unahan, pangatlo sa bandang gitna ang kaisa-isang babaeng kalahok na si (1a)Going East na sinakyan ni Andreu Villegas, pang-apat si (5)Gintong Hari na pinatungan ni Isaac Ace Aguila, panlima ang ating bida na si La Trouppei, habang si (5a)Easy Does It na ginabayan ni Jomer Estorque ang bugaw sa simula. Dahil sa tulin sa arangkadahan nina (1)Istulen Ola at Jaguar ay pumuwesto si La Trouppei sa panlima upang panoorin ang bakbakan ng dalawang kabayo sa unahan. Pagdating sa medya milya (800 meter) ay wala pa rin pinagbago ang pagkakasunod sunod ng mga kabayo. Bandera pa rin ang tersero liyamado na si (1)Istulen Ola, kasunod pa rin ang paborito na si Jaguar, pangatlo ang kacouple runner ni (1)Istulen Ola na si (1a)Going East, pang-apat ang kuarto liyamado na si (5)Gintong Hari, panlima ang segundo liyamado na si La Trouppei, habang ang kacouple runner ni (5)Gintong Hari na si (5a)Easy Does It ay nanatili sa likuran. Bago sumapit sa tres oktabos (600 meter) ay kalmado pa rin ang pagmamaniobra kay La Trouppei na nakapirmis sa kanyang puwesto, habang apat na kabayo na ang nagbabanatan sa harapan na kinabibilangan nina (1)Istulen Ola, Jaguar, (1a)Going East, at (5)Gintong Hari. Pagpasok sa far turn ay biglang lumayo sa unahan sina (1)Istulen Ola at Jaguar kaya nagsimula ng kumilos ang winning horse na si La Trouppei na kumuha ng ikatlong puwesto at patuloy sa pagkaripas, kaya sa huling kurbada ay nagkapanabayan na sa harapan sina (1)Istulen Ola, Jaguar at La Trouppei. Sa rektahan ay matindi ang naging bakbakan nina (1)Istulen Ola sa gawing loob, Jaguar sa bandang gitna at La trouppei sa gawing labas, kaya binagsakan na ng todo ni Kelvin ang kanyang sakay dahilan upang mailabas ni La Trouppei ang kanyang tikas at nakalamang sa meta na halos nguso lang ang agwat. Sumegundo kay La Troupppei si Jaguar, tersero si (1)Istulen Ola at si (5a)Easy Does It ang pumang-apat. Nakapagtala si La Trouppei ng tiyempong 1:38.8 (24′-23′-23′-27) para sa distansyang 1,600 meter sapat upang hamigin winning horse owner na Rancho Santa Rosa ang premyong P2.1M kabilang ang tropeo mula sa event na suportado ng Philracom. Naibulsa naman ng koneksiyon ni Jaguar ang 2nd place prize na P787,500, habang nakapag-uwi sina (1)Istulen Ola at (5a)Easy Does It ng premyong P437,500 at P175,000 bilang 3rd at 4th placer ayon sa pagkakasunod. Nakahamig din ang winning breeder na si Melaine C. Habla ang premyong P175,000. Matatandaan na si La Trouppei din ang nagwagi sa ginanap na Philracom “Road To Triple Crown Stakes Race” na pinakawalan sa parehong lugar noong Abril 16, 2023.