2023 PHILRACOM “2ND LEG JUVENILE STAKES RACE”

Itinanghal na kampeon ang outstanding favorite na kabayo na si Bea Bell matapos dominahin ang 2023 PHILRACOM “2nd Leg Juvenile Stakes Race” na ginanap sa pista ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Sa pagbukas ng aparato ay agad na umarangkada si Bea Bell upang mahawakan ang dalawang kabayong bentahe sa simula. Dahil sa magandang salida ay naging matatag ang puwesto ng ating bida sa unahan. Pagdating ng far turn ay wala pa rin nakakadikit kay Bea Bell kaya parenda renda lang ang hineteng si Jonathan Basco Hernandez sa ibabaw ng kanyang sakay. Pagsungaw ng rektahan ay nasa apat na kabayo na ang lamang ng winning horse na si Bea Bell, habang nagkumpulan sa likuran ang kanyang mga kalaban. Pagsapit sa huling 200 meter ay tuluyan ng lumobo ang kalamangan ni Bea Bell kaya pagtawid nito sa meta ay nasa walong kabayo na ang kanyang agwat. Sumegundo si Morning After, tersero si Over Azooming at si Heartening To See ang pumang-apat. Pumoste si Bea Bell ng tiyempong 1:25.4 (13′-23-23-26) para sa distansyang 1,400 meter sapat upang hamigin ng winning horse owner na Bell Racing Stable ang premyong ₱1,080,000 bilang kampeon.