2023 PHILRACOM “3RD LEG TRIPLE CROWN STAKES RACE”

Hugandong nanalo ang top favorite na kabayo na si Jaguar sa katatapos na 2023 PHILRACOM “3rd Leg Triple Crown Stakes Race” na inilarga sa pista ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Sakay ni star jockey Jeffril Tagulao Zarate ay napasaya ni Jaguar ang mga liyamadista matapos bumida at sikwatin ang korona ng walang kahirap-hirap. Sa pagbukas ng aparato ay nakauna sa paglundag sa gawing labas si Secretary na pinatungan ni Mart Gonzales, agad naman na umarangkada sa tabing balya si Istulen Ola na minaniobra ni John Alvin Guce, humataw din si (4a)Boat Buying na pinatnubayan ni John Paul Guce upang makipagsabayan sa harapan, pang-apat ang ating bida na si Jaguar, kasunod si (1a)Keep Da Trick na nirendahan ni Pablito Cabalejo, pang-anim si (1)La Trouppei na sinakyan ni Kelvin Abobo, pampito si (4)Earli Boating na lulan ni Patty Dilema, habang si Easy Does It na ginabayan ni Jomer Estorque ang kulelat sa lahat. Pumuwesto sa pang-apat si Jaguar para manood ng bakbakan sa harapan hanggang sa kalagitnaan ng laban habang nasa pang-anim ang mahigpit na karibal na si (1)La Trouppei. Pagsapit ng back stretch ay nagtatagisan ng bilis sa unahan ang quinto liyamado na si Secretary at ang pinakadehado na si (4a)Boat Buying, kasunod ng may tatlong kabayong agwat ang tersero liyamado na si Istulen Ola, pang-apat ang paborito na si Jaguar, panlima ang segundo liyamado na si (1)La Trouppei, kasabay ang kanyang kakuwadra na si (1a)Keep Da Trick, pampito ang kacouple runner ni (4a)Boat Buying na si (4)Earli Boating, habang ang kuarto liyamado na si Easy Does It ay nanatiling bugaw. Pagtungtong sa kalagitnaan ng laban ay nagsimula ng kumilos sina Istulen Ola, (1)La Trouppei at Jaguar upang makabirit sa unahan. Papasok ng far turn ay bumulaga si (1)La Trouppei at inungusan niya sa pagremate si Jaguar ngunit hindi ito pinalayo ng ating winning horse. Pagdating ng home stretch ay inagaw na ni Jaguar ang bandera mula sa nauupos na si (1)La Trouppei at umabot pa sa anim na kabayo ang kanyang agwat pagsapit sa rektahan. Walang kahirap-hirap na tinawid ni Jaguar ang meta ng may malayong kalamangan laban sa nasegundo na si (4)Earli Boating, tumersero si Istulen Ola at pumang-apat si (1)La Trouppei. Naorasan si Jaguar ng tiyempong 2:05 (24-23-26-24-28) para sa mahabang distansya na 2,000 meter race sapat upang masungkit ng winning horse owner na si Cong. Juan Miguel “Mikey” Arroyo ang premyong P2.1M bilang kampeon. Kumubra din ang koneksyon ni (4)Earli Boating ng P787,500 bilang segundo, naibulsa naman ni Istulen Ola ang P437,500 bilang tersero at P175,000 ang nahamig ni (1)La Trouppei bilang 4th placer. Matatandaan na si La Trouppei ang 1st Leg winner habang 2nd Leg champion naman si Jaguar sa Triple Crown. Sa iba pang karera ay nagwagi naman ang kabayong si Sky Story na nirendahan din ni Jeffril Zarate sa ginanap na “3YO Locally Bred Stakes Race”. Pumoste si Sky Story ng tiyempong 2:06.4 (25-25′-24′-24-27′) para sa distansyang 2,000 meter. Naghari din ang kabayong si Prime Billing na ginabayan ni Patty Dilema sa ginanap  na 2023 PHILRACOM “Hopeful Stakes Race”. Nirehistro ni Prime Billing ang tiyempong 2:06.8 (24′-23′-25-25-27′)  para sa distansyang 2,000 meter