2023 PHILRACOM “3YO SPRINT RACE”

Nagpakita ng angas ang bahagyang nadehadong kabayo na si Badboy MJ matapos sungkitin ang titulo sa ginanap na 2023 PHILRACOM “3YO Sprint Race” na inilarga sa pista ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Maganda ang naging diskarte ng hineteng si Peter John Alabata Guce na naging kalmado sa simula at pagdating sa rektahan ay naging agresibo hanggang dulo upang makalayo ng todo. Sa pagbukas ng aparato ay nakauna sa paglundag sa tabing balya si Sandigan na ginabayan ni Jeffril Zarate, ngunit agad na umarangkada sa gawing labas si Borrowed Heaven na nirendahan ni Pablito Cabalejo upang makipag sabayan sa unahan, nakapanood naman sa ikatlong puwesto ang ating bida na si Badboy MJ, kadikit sa pang-apat si Light Bearer na lulan ni Isaac Ace Aguila, panlima si Boat Buying na pinatnubayan ni Kelvin Abobo, habang si Deus Ex Machina na pinatungan ni John Allyson Pabilic ang bugaw sa lahat. Sa simula ay pumuwesto muna sa pangatlo si Badboy MJ at hinayaan lang na maglutsahan sa harapan ang matutulin na sina Borrowed Heaven at Sandigan. Papasok ng far turn ay bahagyang nakalalamang sa tabing balya ang segundo liyamado na si Sandigan, kadikit sa gawing labas ang quinto liyamado na si Borrowed Heaven, pangatlo ang tersero liyamado na si Badboy MJ, kasabay ang paborito na si Light Bearer, panlima ang kuarto liyamado na si Boat Buying, habang ang pinakadehado na si Deus Ex Machina ay nanatili sa likuran. Bago sumapit ng home stretch ay nagbabadya ng makalayo sa unahan si Sandigan kaya nagsimula ng kumilos ang winning horse na si Badboy MJ upang makadikit at makipag bakbakan sa harapan, rumeremate naman sa ikatlong puwesto si Light Bearer at nauupos sa pang-apat si Borrowed Heaven. Pagtungtong ng home stretch ay halos magpantay na sa harapan sina Badboy MJ at Sandigan, ngunit pagdating sa rektahan ay tuluyan ng umigtad sa unahan si Badboy MJ at nang binagsakan na ni Peter John ang kanyang sakay ay lalo pang lumobo ang kanilang kalamangan. Pumorkas kay Badboy MJ si Sandigan, pasok sa trifecta si Light Bearer at si Boat Buying ang bumuo sa quartet. Nakapagtala si Badboy MJ ng mainam na tiyempo na 0:59 (13-21′-24′) para sa distansyang 1,000 meter, sapat upang mahamig ng winning horse owner na si Feliciano B. Dela Cruz ang premyong P900,000 bilang 1st place, kumubra din ang koneksyon ni Sandigan ng P337,500 bilang segundo, naibulsa naman ni Light Bearer ang P187,500 bilang tersero at P75,000 ang naiuwi ni Boat Buying bilang 4th placer mula sa PHILRACOM.