Nakabawi ang paboritong kabayo na si Big Lagoon mula sa pagkatalo matapos sungkitin ang titulo sa ginanap na 2023 Philracom “Chairman’s Cup” na inilarga sa pista ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Sakay ng hineteng si John Alvin Guce ay muling ibinida ni Big Lagoon ang kanyang galing upang makarebanse sa matinding karibal na si Boss Emong. Sa pagbukas ng aparato ay naging alerto ang ating bida na si Big Lagoon upang hindi maiwanan sa largahan, agad naman na umarangkada si Cam From Behind na sinakyan ni Kelvin Abobo upang mahawakan ang bandera, kasabay si Boss Emong na pinatnubayan ni Jeffril Zarate, pang-apat sa gawing labas si Ambisioso na nirendahan ni Jerico Serrano, panlima sa gawing loob si Don Julio na lulan ni Ryan Base, pang-anim si Robin Hood na dinala ni Jeffrey Bacacay, habang si Gomezian na pinatungan ni Oneal Cortez ang bugaw sa simula. Sa unang 200 meter ay nakipagsabayan si Big Lagoon sa unahan kina Boss Emong at Cam From Behind. Pagpasok sa back stretch ay kumaskas sa tabing balya ang liyamado na si Big Lagoon upang maagaw ang bandera, kasabay sa gawing labas ang segundo liyamado na si Boss Emong, pangatlo sa bandang gitna ang kuarto liyamado na si Don Julio, nasa ika-apat na puwesto naman ang ikalawa sa pinakadehado na si Cam From Behind, panlima ang tersero liyamado na si Gomezian, nasa ika-anim na posisyon ang pinakadehado na si Ambisioso, habang ang quinto liyamado na si Robin Hood ay nalipat sa likuran. Pagsapit sa far turn ay nasa unahan pa rin ang winning horse na si Big Lagoon ng may dalawang kabayong kalamangan, habang nagkukumahog sa paghabol si Boss Emong upang makalapit, humahataw naman sa ikatlong puwesto si Don Julio at nagsimula na rin sumugod si Robin Hood. Pagsungaw sa rektahan ay kumalas na sa unahan si Big Lagoon dahil na rin sa pagtulak at paghagupit ni John Alvin sa kanyang sakay, pabuka naman ang takbo ni Boss Emong at nagbabadya sa tabing balya si Don Julio ngunit hindi na kinaya pa ang tikas ni Big Lagoon. Tinawid ni Big Lagoon ang meta ng may dalawang kabayong bentahe sa sumegundong si Don Julio, tersero si Boss Emong at pumang-apat si Robin Hood. Pumoste si Big Lagoon ng tiyempong 2:04.6 (24′-23′-24′-24′-27′) para sa mahaba at nakakahingal na distansyang 2,000 meter, sapat upang maibulsa ng winning horse owner na si Melaine C. Habla ang premyong P1.5M at tropeo bilang kampeon. Nakahamig din ng P500,000 ang 2nd placer na si Don Julio, kumubra ng P250,000 ang tersero na si Boss Emong at nakapag-uwi naman ng P125,000, P75,000, P50,000 sina Robin Hood, Cam From Behind at Gomezian bilang 4th, 5th, 6th placer ayon sa pagkakasunod. Dahil sa panalo ay nabawian ni Big Lagoon si Boss Emong nung naglaban sila sa “Classic Cup” noong nakaraang buwan. Matatandaan na si Boss Emong din ang nagkampeon noong 2021 at 2022 Philracom “Chairman’s Cup” ngunit nabigong madepensahan ang kanyang titulo ngayong taon. Ang Philracom “Chairman’s Cup” ay isang taunang stake race para sa mga kabayong 4 na taong gulang pataas.