Isang kapanapanabik na laban ang natunghayan ng bayang karerista kung saan ay nakitaan ng lakas at tibay ang kabayong si Big Lagoon upang masungkit ang titulo sa katatapos na 2023 Philracom “Commissioner’s Cup” na ikinasa sa pista ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan, Batangas. Buo ang loob ng hineteng si John Alvin Guce at determinadong maipanalo ang kanyang sakay na si Big Lagoon na kahit nalutsa at nasalto sa tabing balya ay nakagawa pa rin ng paraan upang magwagi ang naturang kabayo. Sa largahan ay maganda ang naging salida ng ating bida na si Big Lagoon, ngunit agad naman na umarangkada sa gawing labas si Boss Emong na ginabayan ni Jonathan Hernandez upang makipagsabayan sa unahan, pangatlo si Gomezian na nirendahan ni Oneal Cortez, habang si Super Swerte na lulan ni Andreu Villegas ang bugaw sa simula. Pagpihit sa unang kurbada ay bahagyang nangunguna ang segundo liyamado na si Big Lagoon, nakadikit pa rin sa ikalawang puwesto ang paborito na si Boss Emong, pangatlo ang kuarto liyamado na si Gomezian, habang ang tersero liyamado na si Super Swerte ay nanatili sa likuran. Pagtungtong sa medya milya ay naglulutsahan pa rin sa harapan sina Big Lagoon at Boss Emong, bumubwelo naman sa ikatlong posisyon si Gomezian at kulelat pa rin si Super Swerte. Pagsapit sa tres oktabos ay si Boss Emong na ang may hawak ng bandera, kasunod si Big Lagoon at dumidikit sa ikatlong puwesto si Gomezian. Papasok sa home stretch ay matindi ang naging bakbakan nila Boss Emong sa bandang gitna, Big Lagoon sa tabing balya at Gomezian sa gawing labas. Mapapansin na nasarhan o nasalto si Big Lagoon ni Boss Emong sa tabing balya kaya napilitan si John Alvin na ilabas ang winning horse na si Big Lagoon. Sa rektahan ay pasandal na sa tabing balya si Boss Emong habang patuloy sa pagtulak at pagpalo si John Alvin sa kanyang sakay. Pagdating sa huling 50 meter ay naging klaro na ang kalamangan ni Big Lagoon at tuluyan pang lumayo pagtawid sa meta. Sumegundo kay Big Lagoon si Boss Emong, tersero si Gomezian at pang-apat si Super Swerte. Naorasan si Big Lagoon ng tiyempong 1:39.2 (24′-23-23′-28′) para sa distansyang 1,600 meter sapat upang mahamig ng winning owner na si Ms. Melaine C. Habla ang tropeo at ang premyong P1.5M bilang kampeon. Kaugnay sa karerang ito ay nanalo rin ang tersero liyamadong kabayo na si Robin Hood na pinatungan ni Ryan “Onyok” Garcia sa ginanap na 2023 Philracom “Commissioner’s Cup Division II”, nagwagi rin ang segundo liyamadong kabayo na si Magtotobetsky na pinatnubayan ni Jeric Pastoral sa ginanap na 2023 Philracom “Commissioner’s Cup Division III” na parehong inilarga sa karerahan ng Metro Turf nung Pebrero 25, 2023.