Muling nakalasap ng panalo ang kabayong si Shastaloo sa katatapos na 2023 Philracom “Henry Cojuangco Cup” na ikinasa sa karerahan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Maayos at maganda ang pagkakadala ng hineteng si John Paul Guce kay Shastaloo na hindi nag apura at puro sa loob o sa tabing balya ang dinaanan na naging dahilan upang maka alagwa at makauna sa meta. Sa largahan ay agad na umarangkada si (3)Treasure Hunting na sinakyan ni John Alvin Guce upang mahawakan ang unahan, ngunit agad siyang kinapitan ni (1)Civics Class na pinatungan ni Oneal Cortez, pangatlo ang kacouple runner ni (1)Civics Class na si (1a)Time For Glory na pinatnubayan ni Ryan Base, pang-apat ang kakampi ni (3)Treasure Hunting na si (3a)Runway Dreamer na minaniobra ni Conrad Henson, kasunod sa tabing balya ang ating bida na si Shastaloo, pang-anim si Righteous Ruby na nirendahan ni Jonathan Hernandez, habang si Bombay Nights na ginabayan ni Ramon Raquel Jr. ang kulelat sa umpisa ng laban. Pagsapit sa back stretch ay bandera pa rin ang kuarto liyamado na si (3)Treasure Hunting, kadikit pa rin at bahagyang lumulutsa ang tersero liyamado na si (1)Civics Class, pangatlo ng may limang kabayong agwat si (1a)TIme For Glory, kumuha naman ng ika-apat na posisyon ang segundo liyamado na si Shastaloo, panlima si (3a)Runway Dreamer, nasa ika-anim na puwesto ang paborito na si Righteous Ruby, habang ang pinakadehado na si Bombay Nights ay nanatiling bugaw. Pagpihit sa far turn ay tangan pa rin ni (3)Treasure Hunting ang harapan sa gawing loob, kadikit sa bandang gitna si (1)Civics Class, pangatlo sa gawing labas si (1a)Time For Glory, habang malakas ang dating ni Shastaloo sa tabing balya at humahataw sa pinakalabas si Righteous Ruby. Pagpasok sa huling kurbada ay nasa unahan na ang winning horse na si Shastaloo habang patuloy na umaarangkada sa gawing labas si Righteous Ruby upang makalapit kaya binagsakan na ni Pao Pao ang kanyang sakay. Sa rektahan ay hindi na kinaya ni Righteous Ruby ang tikas ni Shastaloo at tinapos ang laban ng may dalawang kabayong kalamangan. Sumegundo kay Shastaloo si Righteous Ruby, tersero si (3)Treasure Hunting at pang-apat si (1a)Time For Glory. Pumoste si Shastaloo ng tiyempong 1:49.6 (13′-23-23′-24-25′) para sa distansyang 1,800 meter sapat upang maibulsa ng winning owner na Soap King Inc. ang premyong P900,000 at tropeo bilang kampeon. Kumubra din ang koneksyon ni Righteous Ruby ng P337,500 bilang 2nd placer, at nakahamig din ang kuadra nila (3)Treasure Hunting at (1a)Time For Glory ng P187,500 at P75,000 bilang 3rd at 4th placer ayon sa pagkakasunod. Matatandaan na si Shastaloo din ang nanguna sa ginanap na 2023 Philracom “Road To Henry Cojuangco Cup” noong Marso 5, 2023.