Muling nagkampeon ang Horse of the Year awardee na si Boss Emong matapos makasilat sa ginanap na 2023 PHILRACOM – PCSO “Silver Cup” na inilarga sa pista ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Muling naitatak ni Boss Emong ang kanyang pangalan sa kasaysayan ng karera dahil naging pangalawa siya sa listahan ng back to back winner ng SIlver Cup matapos gawin ni Wind Blown noong 2001 at 2002. Maganda ang naging diskarte ng hineteng si Daniel L. Camanero sa ibabaw ni Boss Emong kaya nabulaga nila ang mga katunggali at ipinakita ni Danny Boy na gamay niya pa rin ang kanyang sakay. Sa simula ay hinayaan lang ni Boss Emong na bumandera ang matulin na si King Tiger, habang nakasunod siya sa ikalawang puwesto. Pagsapit sa kalagitnaan ng laban ay nasa likod pa rin ni King Tiger si Boss Emong ngunit pagdating sa huling 600 meter ay kumayod na ng todo si Boss Emong upang makalayo sa harapan. Sinubukan pa ni Don Julio na makalagpas kay Boss Emong pero nakatawid na ng meta ang ating bida. Sumegundo kay Boss Emong ang nabitin na si Don Julio, tersero si (3a)War Cannon at si Jaguar ang pumang-apat. Nakapagtala si Boss Emong ng tiyempong 1:51.6 (14-22′-24′-23′-27) para sa 1,800 meter race. Bukod sa tropeo ay nakahamig din ang winning horse owner na si Kennedy L. Morales ng premyong ₱2.4M bilang kampeon.