Muling nagkampeon sa ikalawang sunod na taon ang kabayong si Cam From Behind matapos bumida sa ginanap na 2023 PHILRACOM “Sampaguita Stakes Race” na inilarga sa pista ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Ang anim na taong gulang na kabayo na si Cam From Behind na pag-aari ng Rancho Santa Rosa Inc. ay naging ikatlo sa listahan ng back to back winner ng Sampaguita Stakes Race pagkatapos ni Malaya (2014 at 2015) at Princess Eowyn (2019 at 2020). Sa muling paggabay ni “The Genius Rider” Kelvin Bete Abobo kay Cam From Behind ay masasabi na tantiyado at kabisado na nito ang naturang kabayo dahil kahit may bisyo ito na bumubuka sa rektahan ay nagagawan niya pa rin ng paraan upang manalo sa laban. Sa simula ay nakauna sa paglundag sa tabing balya ang ating bida na si Cam From Behind, ngunit agad ng umarangkada sa bandang gitna si Flattering You na nirendahan ni Jomer Estorque upang mahawakan ang bandera, pangatlo sa gawing labas si La Liga Filipina na pinatnubayan ni Andreu Villegas, pang-apat si Charm Campaign na minaniobra ni Patricio Dilema, kasabay sa gawing labas si Dambana na pinatungan ni Jeffrey Bacaycay, habang si Enigma Uno na lulan ni John Alvin Guce ang kulelat sa simula. Pagsapit ng medya milya ay hawak pa rin ng tersero liyamado na si Flattering You ang bandera, kasunod ang segundo liyamado na si La Liga Filipina, nakapanood sa ikatlong puwesto ang paborito na si Cam From Behind, pang-apat ang quinto liyamado na si Dambana, panlima ang kuarto liyamado na si Charm Campaign, habang ang pinakadehado na si Enigma Uno ay nanatiling bugaw. Papasok ng far turn ay si Flattering You pa rin ang nagdidikta sa unahan, kumakaripas naman si La Liga Filipina upang maagaw ang bandera, pangatlo ng may pitong kabayong agwat si Cam From Behind na nagsisimula ng magpainit upang makadikit sa harapan, habang sabay na rumeremate sina Dambana at Enigma Uno. Pagdating ng home stretch ay tuluyan ng naagaw ni La Liga Filipina ang bandera sa nauupos na si Flattering You, humahataw naman sa tabing balya si Dambana at bumubulusok sa gawing labas si Cam From Behind. Sa rektahan ay mapapansin ang pagbuka ng todo ni Cam From Behind kaya dumiskarte si Kelvin sa ibabaw ng kanyang sakay at hinayaan lang na tumakbo pabuka ang winning horse habang pinagtyatiyagaan na itulak at paluin upang makaungos sa meta. Pumorkas kay Cam From Behind si Dambana, pasok sa trifecta si La Liga Filipina at si Enigma Uno ang bumuo sa quartet. Nakapagtala si Cam From Behind ng tiyempong 2:08.2 (24′-23′-24′-26-30) para sa mahabang distansya na 2,000 meter. Bukod sa tropeo ay nakahamig din ang winning horse owner na Rancho Santa Rosa Inc. ng premyong ₱1.2M bilang kampeon, kumubra din ang koneksyon ni Dambana ng ₱450,000 bilang segundo, naibulsa naman ni La Liga Filipina ang ₱250,000 bilang tersero at ₱100,000 ang naiuwi ni Enigma Uno bilang 4th placer. Matatandaan na si Cam From Behind din ang nagwagi sa ginanap na 2022 PHILRACOM “Sampaguita Stakes Race”