Hugandong nanalo ang paboritong kabayo na si Birchton matapos pakainin ng alikabok ang kanyang mga katunggali sa ginanap na 2024 PHILRACOM “1st Leg 3YO Imported/Local Challenge” na ikinasa sa karerahan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Parenda renda lang ang hineteng si Jeffril Tagulao Zarate sa ibabaw ni Birchton at siniguro na hindi manlalamig ang sakay na kabayo. Sa largahan ay kumaripas kaagad si Part Time Lover upang makauna pero agad siyang kinapitan ni Birchton sa gawing labas, pangatlo si Heart Ofa Champion habang si Perfect Shot ang bugaw sa simula. Pagsapit ng back stretch ay agad na kinuha ni Birchton ang bandera at umungos ng hanggang limang kabayo sa pumapangalawa na si Part Time Lover. Papalapit ng far turn ay patuloy ang pagbulusok ni Birchton sa unahan kaya umabot pa sa sampung kabayo ang kanyang lamang pagdating ng huling kurbada. Papasok ng home stretch ay binagsakan pa rin ni Jeff ang kanyang sakay upang mapanatili ang mainit na pagtakbo ni Birchton kaya pagdating ng rektahan ay lalo pang umabante ang bentahe ng winning horse. Sumegundo kay Birchton si Perfect Shot, tersero si Heart Ofa Champion at si Part Time Lover ang pumang-apat. Pumoste si Birchton ng tiyempong 1:40.8 (25-22′-24-29) para sa distansyang 1,600 meter. Bukod sa tropeo ay naibulsa din ng winning horse owner na si Felizardo Sevilla Jr. ang ₱600,000 na premyo.