Nakilatis ng bayang karerista ang tikas ni Batang Manda nang manalo ito sa katatapos na 2024 PHILRACOM “3 Year Old Maiden Stakes Race” na inilarga sa karerahan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Hindi naging problema sa hineteng si Patricio Ramos Dilema ang maagang pagkakalutsa ng kanyang sakay na si Batang Manda upang manalo at masungkit ang inaasam na titulo. Sa simula ay mabilis na lumabas sa aparato ang paboritong kabayo na si Batang Manda, subalit agad siyang kinapitan ni Feet Bell para makipagsabayan sa harapan. Pagsapit ng back stretch ay lamang ng leeg si Feet Bell kay Batang Manda habang naglulutsahan sa unahan at nagpatuloy ang tagisan nila ng bilis na parang ayaw magpaiwan sa isa’t isa. Papasok ng far turn ay unti-unti ng kumakalas sa harapan si Batang Manda, habang nasa likuran niya ang magkakuwadra na sina Feet Bell at Ruby Bell. Pagsungaw ng rektahan ay patuloy pa rin sa pag arangkada ang bida na si Batang Manda, habang bumubulusok sa ikalawang puwesto si Boss Lady at nagkumpulan sa likuran sina Added Haha, Still Somehow, Ruby Bell at Feet Bell. Pagdating ng home stretch ay matikas pa rin sa unahan ang winning horse at patuloy pang umigtad pagtawid sa meta. Pumorkas kay Batang Manda si Boss Lady, pasok sa trifecta si Added Haha at si Still Somehow ang bumuo sa quartet. Pumoste si Batang Manda ng tiyempong 1:25.8 (13′-22-23′-26′) para sa distansyang 1,400 meter sapat upang mahamig ng winning horse owner na si Benjamin “Benhur” Abalos Jr. ang ₱720,000 na premyo pati na rin ang tropeo.