Dismayado ang mga liyamadista dahil sa pagkapanalo ng dehadong kabayo na si Still Somehow sa katatapos na 2024 PHILRACOM “3rd Leg Triple Crown Stakes Race” na ikinasa sa pista ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Swabe ang naging galaw ng hineteng si John Allyson Pabilic sa ibabaw ng kanyang sakay na si Still Somehow kaya nasilat nito ang mga kalaban at nasungkit ang koronang inaasam. Sa largahan ay bakbakan kaagad sa harapan sina Batang Manda at Worshipful Master, habang malayong pangatlo si Primavera at nakaabang sa ika-apat na puwesto ang bida na si Still Somehow. Sa kalagitnaan ng karera ay unti-unti nang umaalagwa si Batang Manda kay Worshipful Master, habang tersero na si Still Somehow pero halos sampung kabayo ang agwat nito sa unahan. Pagdating ng far turn ay tangan pa rin ni Batang Manda ang bandera, kasunod si Worshipful Master habang sabay na rumeremate sina Still Somehow at ang paborito na si Ghost. Papasok ng home stretch ay halos magkapanabayan na sa unahan sina Batang Manda, Worshipful Master, Still Somehow at Ghost kaya mas lalong tumindi ang banatan sa rektahan. Pagsapit sa huling 75 meter ay nakaungos na si Still Somehow at tinawid nito ang meta ng may dalawang kabayong kalamangan sa sumegundong si Batang Manda, tersero si Worshipful Master at si Ghost ang pumang-apat. Nilista ni Still Somehow ang tiyempong 2:09.4 (25-26-23′-26′-28′) para sa distansyang 2,000 meter. Bukod sa tropeo ay kinubra din ng winning horse owner na si Tisha Sevilla ang tumataginting na ₱1.5M na premyo bilang kampeon.