Ipinamalas ng segundo liyamadong kabayo na si Astig ang kanyang tapang upang manaig sa laban sa katatapos na 2024 PHILRACOM “3YO Maiden Stakes Race” na pinakawalan sa karerahan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Sa pagrenda ng hineteng si Christian Advincula ay nailabas ni Astig ang kanyang angas upang makaremate ng maganda at makauna sa meta. Sa simula ay umarangkada kaagad sa gawing labas ang matulin na si Matilda upang mahawakan ang bandera, kasunod sa tabing balya si Creation Of Adam, kumakaskas sa ikatlong puwesto si Spirit Of Might, pang-apat si Sting, panlima ang bida na si Astig, pang-anim ang paborito na si Authentikation, kasunod sina Sandstorm at Caring Melody, habang si War Chief ang bugaw sa simula. Pagpihit ng back stretch ay si Matilda pa rin ang namamayagpag sa harapan, kasunod si Spirit Of Might, pangatlo si Creation Of Adam, habang nakapanood sa ikaapat at ikalimang puwesto sina Authentikation at Astig. Papasok ng far turn ay hindi pa rin nakakaramdam ng pressure si Matilda at tuluyan pang lumalayo sa unahan kaya nagsimula ng kumilos si Authentikation at rumeremate na rin si Astig. Pagsapit ng home stretch ay hawak pa rin ni Matilda ang bandera kaya binayo na ng todo ni Christian ang kanyang sakay na si Astig upang makaungos at pagdating sa huling 50 meter ay naging klaro na ang kalamangan ng winning horse. Pumorkas kay Astig si Matilda, pasok sa trifecta si Authentikation at si Caring Melody ang bumuo ng quartet. Pumoste si Astig ng tiyempong 1:26.4 (13′-22-22′-28′) para sa distansyang 1,400 meter sapat upang mahamig ang ₱720,000 na premyo bilang 1st place.