Pinayuko ng paboritong kabayo na si Don Julio ang kanyang mga kalaban matapos mapitas ang titulo sa katatapos na 2024 PHILRACOM “A.P. Reyes Memorial Race” na inilarga sa pista ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Lulan ng hineteng si John Allyson Pabilic ay hindi hinayaan ni Don Julio na makabuwelo ng todo ang matulin na karibal na si Diversity. Sa simula ay agad na humataw si DIversity upang mahawakan ang bandera, habang kumuha naman ng pangalawang puwesto ang bida na si Don Julio upang bantayan ang nasa unahan. Sa kaagahan ng karera ay lamang ng dalawang kabayo si Diversity ngunit pagsapit ng medya milya ay kinapitan na siya ni Don Julio, habang malayong pangatlo, pang-apat at panlima sina Miss Hibiki, Eutychus at Easy Does It ayon sa pagkakasunod. Papalapit ng far turn ay naagaw na ni Don Julio ang bandera kay Diversity pero hindi pa rin siya makaalagwa ng todo dahil marami pang lakas si Diversity at muli itong bumabalik sa unahan. Pagpasok ng home stretch ay umaatikabo ang naging banatan sa pagitan nila Don Julio at DIversity kaya nagsimula ng magsigawan ang mga karerista dahil sa magandang laban na kanilang nasaksihan. Pagdating sa huling 100 meter ay tuluyan nang umungos ang winning horse at tinawid ang meta ng may dalawang kabayong kalamangan sa sumegundo na si Diversity, tersero si Easy Does It at pumang-apat si Eutychus. Naorasan si Don Julio ng tiyempong 1:39.2 (25′-23-23′-27′) para sa distansyang 1,400 meter sapat upang maibulsa ng winning horse owner na si Felizardo Sevilla Jr. ang ₱300,000 na premyo.