Bumulusok ang dehadong kabayo na si Jungkook upang masungkit ang inaasam na korona sa katatapos na 2024 PHILRACOM “Classic Cup” na pinakawalan sa pista ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Maganda ang ginawang pagmamaniobra ng hineteng si Mark Angelo Alvarez sa kanyang sakay na si Jungkook na rumemate ng matindi sa rektahan upang makasilat sa laban. Kagaya ng inaasahan ay bumandera kaagad ang matulin na si Istulen Ola sa umpisa, ngunit agad siyang kinapitan ng paborito na si Boss Emong upang makipagsabayan sa harapan, habang nakapuwesto sa pang-anim ang bida na si Jungkook. Pagsapit ng back stretch ay nagbabanatan pa rin sa unahan sina Boss Emong at Istulen Ola, nakatanaw naman sa tersero puwesto si Don Julio, pang-apat si War Cannon, panlima si Jaguar, habang nakapirmis sa pang-anim si Jungkook. Sa kalagitnaan ng laban ay nagkapanabayan na sa unahan sina Boss Emong, Istulen Ola at Don Julio kaya nagsimula ng magpainit si Jungkook. Papasok ng far turn ay kumuha na ng bandera si Don Julio at unti-unting nilalayuan sina Istulen Ola at Boss Emong pero umaarangkada naman si Jungkook sa ika-apat na puwesto at patuloy ang pagbulusok papalapit sa harapan. Pagsungaw ng rektahan ay bakbakan na sa unahan sina Don Julio at Jungkook kaya binagsakan na ng todo ni Mark Angelo ang kanyang sakay at pagdating sa huling 50 meter ay tuluyan ng nakaungos ang winning horse. Tinawid ni Jungkook ang meta ng may kalahating kabayong agwat laban sa nasegundo na si Don Julio, tersero si Jaguar at si Istulen Ola ang pumang-apat. Naorasan si Jungkook ng tiyempong 1:53.4 (14′-23-24-23′-28′) para sa 1,800 meter race sapat upang maibulsa ng winning horse owner na si Tisha Sevilla ang premyong ₱1,080,000 bilang kampeon.