2024 PHILRACOM “GRAN COPA DE MANILA”  

Tila tradisyon na sa karerahan na kapag Araw ng Maynila ay nagkakadehaduhan. Ito ay pinatunayan ng dehadong kabayo na si Secretary matapos magwagi sa ginanap na 2024 PHILRACOM “Gran Copa De Manila” na inilarga sa pista ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Pinabilib ng hineteng si John Allyson Pabilic ang mga taga-suporta ng kanyang sakay na si Secretary matapos mamayagpag mula sa umpisa hanggang sa meta. Sa pagbukas ng aparato ay bumandera antimano ang bida na si Secretary pero agad na humabol si Fortissimo upang makipagsabayan sa harapan. Pagdating ng medya milya ay nagtatagisan pa rin ng bilis sina Secretary at Fortissimo habang nasa pangatlo, pang-apat at panlimang posisyon sina Istulen Ola, Jaguar at Mimbalot Falls ayon sa pagkakasunod. Pagsapit ng far turn ay bahagyang lumayo si Secretary at lumamang ng tatlong kabayo sa umagaw ng segundo puwesto na si Istulen Ola habang malakas na rumeremate sa tabing balya si Mimbalot Falls. Pagpasok ng home stretch ay marami pang lakas ang winning horse kaya hindi na siya natinag sa unahan at tinawid ang meta ng may komportableng kalamangan. Sumegundo kay Secretary si Mimbalot Falls, tersero si Istulen Ola at si Easy Does It ang pumang-apat. Nirehistro ni Secretary ang tiyempong 1:39.6 (25-23-24-27′) para sa distansyang 1,600 meter sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Ronaldo David ang ₱600,000 bilang 1st prize.