2024 PHILRACOM – PCSO “GRAND DERBY”  

Nagpasiklab ang dehadong kabayo na si Worshipful Master upang manalo sa katatapos na 2024 PHILRACOM – PCSO “Grand Derby” na pinakawalan sa pista ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Magandang diskarte ang ipinamalas ng hineteng si Lester De Jesus sa ibabaw ng kanyang sakay na si Worshipful Master at pinatunayan na kayang kaya nilang makasilat sa laban. Sa pagbukas ng aparato ay nakalundag kaagad ang bida na si Worshipful Master ngunit hinayaan nitong mauna ang matulin na si Every Sweat Counts habang nasa tersero at pang-apat na puwesto sina Batang Manda at Bea Bell. Sa kaagahan ng karera ay abante ng dalawang kabayo si Every Sweat Counts, nasa pangalawang posisyon naman ang paborito na si Batang Manda habang nakabantay sa kanya si Worshipful Master, kasunod si Bea Bell. Sa kalagitnaan ng laban ay si Every Sweat Counts pa rin ang nagdidikta sa unahan pero habang papalapit sa far turn ay dumidikit na si Batang Manda at sinasabayan naman siya ni Worshipful Master. Pagsapit ng far turn ay nagsimula ng uminit ang labanan dahil nagkapanabayan na sa harapan sina Worshipful Master, Batang Manda, Every Sweat Counts at Bea Bell. Papasok ng home stretch ay tangan na ni Worshipful Master ang bandera na dumaan sa tabing balya habang nasa gawing labas naman sina Batang Manda at Bea Bell. Sa rektahan ay lalo pang sumiklab si Worshipful Master kaya wala ng nagawa sina Batang Manda at Bea Bell sa pag-alagwa ng winning horse. Tinawid ni Worshipful Master ang meta ng may tatlong kabayong kalamangan sa pumorkas na si Bea Bell, pasok sa trifecta si Batang Manda at si High Dollar ang bumuo sa quartet. Nakapagtala si Worshipful Master ng tiyempong 1:54.2 (14-23′-25-23′-28′) para sa 1,800 meter race. Bukod sa tropeo ay nakatanggap din ang winning horse owner na si James Anthony Rabano ng tumataginting na ₱1.8M na premyo mula sa PHILRACOM at PCSO.