Nabuhayan ang mga dehadista matapos masungkit ng dehadong kabayo na si Easy Does It ang titulo sa katatapos na 2024 PHILRACOM – PCSO “Silver Cup” na ikinasa sa pista ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Dumiskarte ang hineteng si Jomer Estorque sa ibabaw ng kanyang sakay na si Easy Does It upang makaremate ng maganda at makaungos sa meta. Sa simula ay umarangkada kaagad si Basheirrou para mahawakan ang bandera, kasunod si Istulen Ola, pangatlo si Diversity, pang-apat si Boss Emong habang nakaabang sa pampitong posisyon ang bida na si Easy Does It. Pagsapit ng medya milya ay tangan pa rin ni Basheirrou ang bandera, kumakaripas naman sa kanyang likuran ang back to back Silver Cup champion na si Boss Emong (2022-2023) at nagsimula na rin magpainit sa pang-anim na puwesto si Easy Does It. Naging matatag sa harapan si Basheirrou kaya hanggang sa huling kurbada ay siya pa rin ang namamayagpag sa unahan, habang patuloy ang pagbulusok ni Easy Does It sa bandang gitna at rumeremate rin si Jungkook sa gawing labas. Pagpasok ng home stretch ay naging dikdikan ang laban sa unahan, hindi basta basta makalampas si Easy Does It dahil matikas pa rin si Basheirrou kaya binagsakan na ng todo ni Jomer ang kanyang sakay, dahilan upang makaungos ang winning horse. Dikit na sumegundo kay Easy Does It si Basheirrou, tersero si Jungkook at si Diversity ang pumang-apat. Nakapagtala si Easy Does It ng tiyempong 1:53.6 (13′-22′-24′-24′-28′) para sa distansyang 1,800 meter sapat upang hamigin ng winning horse owner na 3VM Builders Inc. ang tumataginting na ₱2.4M na premyo mula sa PHILRACOM at PCSO.