ITINUTURING ng Philippine National Police na naging mapayapa ang pagsalubong ng 2025 sa bansa.
Wala umanong naitalang malaking kaganapan o kaso ang kapulisan hanggang sa mismong araw ng Bagong Taon nitong Enero 1.
Maliban lamang sa naitalang 27 mga kaso ng indiscriminate firing, na bahagyang mas mataas sa 20 cases noong nakalipas na taon.
Nagresulta ito sa pagkakasugat sa lima katao, na mas mababa naman kumpara ng nakaraang taon na pito.
Umabot naman sa 21 katao ang naaresto kabilang ang tauhan ng pulisya sa Region4-A at mula sa Bureau of Corrections sa Zamboanga Peninsula habang iniulat na nasa 17 baril ang nakumpiska mula sa iba’t ibang indibidwal.
Kaugnay naman ng stray bullet ay anim ang sugatan at ang may kinalaman naman sa mga paputok ay nasa 297 ang naitalang kaso na umano’y isa ang namatay.
Sinusulat ito ay tinatayang nasa P3,922,678 ang halaga ng iba’t ibang iligal na paputok na nakumpiska na aabot sa 593,094 ang bilang at 73 katao ang nadakip.
Lumilitaw na epektibo ang inilatag na panuntunan ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil para sa ligtas na pagsalubong sa panibagong taon ng publiko. RUBEN LACSA