Muling nag angas ang paboritong kabayo na si Constatic Offer upang makuha ang korona sa katatapos na 2024 PHILRACOM “2nd Leg Juvenile Stakes Race” na inilarga sa karerahan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Lulan ng hineteng si Oneal P. Cortez ay patuloy ang pamamayagpag ni Constatic Offer at namumuro na mawalis ang Juvenile Stakes Races matapos manalo sa 1st at 2nd leg. Sa simula ay sinunggaban kaagad ng ating bida na si Constatic Offer ang unahan ngunit dinikitan agad siya ni Coming Earli habang nakabuntot din sa kanila ang couple runner na sina Eugene Bell at Midnight Bell. Sa kalagitnaan ng laban ay bumulusok sa gawing labas si Midnight Bell upang agawin ang bandera kay Constatic Offer pero hindi ito hinayaan ni Constatic Offer at nakipagsabayan ng angas sa unahan habang nagkumpulan sa likuran sina Coming Earli, Eugene Bell at Diamond Power. Papasok ng far turn ay binawi kaagad ni Constatic Offer ang bandera pero pinipilit pa rin ni Midnight Bell na kumapit sa harapan habang nanatili sa likuran sina Coming Earli, Eugene Bell at rumeremate na rin si Easy Money. Pagsapit ng home stretch ay nagbabakbakan pa rin sa unahan sina Constatic Offer at Midnight Bell pero pagdating sa huling 100 meter ay umigtad na ang kalamangan ng winning horse. Sumegundo kay Constatic Offer si Midnight Bell, tersero si Coming Earli at si Easy Money ang pumang-apat. Pumoste si Constatic Offer ng tiyempong 1:27.4 (13-23-23′-28) para sa distansyang 1,400 meter sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Antonio Tan Jr. at co owner na si Jun Ferrer ang premyong ₱1,080.000 na may kasama pang tropeo.