3 ‘dorobo tiklo dahil sa traysikel

TIKLO ang tatlong lalaki makaraang namataan ng biktima ang tricycle na kanilang ginamit sa pagnanakaw sa Kawit, Cavite.

Hawak ng Kawit Municipal Police Station ang mga suspek na sina alyas Henry, 51, scavenger, ng Calle Marino, Cavite City; alyas Ryan, 24, ng Brgy Pascam 2 Gen Trias City; at alyas Jeff, 33, ng Brgy San Roque Cavite, dahil sa reklamo ni Kathrona Navarro Roqque, 39, ng 1129 Brgy Magdalo Potol, Kawit. 

Sa ulat, Linggo ng gabi ng gabi naganap ang insidente kung saan base sa Closed Circuit Television (CCTV) footage, bandang alas-9:00 ng gabi ay ipinarada ng mga suspek ang sinakyan na tricycle na Colong Colong sa harapan ng bahay ng biktima.

Pwersahang sinira ang padlock ng gate at bago pumasok sa loob ay tinanggal sa saksakan ang switch ng CCTV.

Nag-ikut-ikot sa loob at tinangay ang dalawang tangke ng gas, beef, pork at mga softdrinks na nagkakahalaga ng P15,000 at ang motorsiklo ng biktima na Honda Dash na may plakang 9829WL.

Pero nitong November 5, bandang ala-1:00 ng hapon ay nakilala ng biktima ang tricycle na ginamit ng mga suspek sa harapan ng Puregold, Noveleta.

Naghintay ang biktima hanggang lumabas ang traysikel na sinundan nito sa San Roque, Cavite City at dito humingi ng tulong sa nakakasakop na barangay. 

Ipinatawag ang driver ng tricycle kung saan inamin nito ang nasabing pagnanakaw at ininguso na nasa kasamahan niya ang motorsiklo ng biktima kung saan narekober sa Brgy Pascam 2, Gen Trias City. GENE ADSUARA