Nagpasikat ang top choice na kabayo na si Tell Bell matapos pakainin ng alikabok ang kanyang mga katunggali sa katatapos na 2023 Philracom “3YO Maiden Stakes Race” na inilarga sa pista ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan, Batangas. Sa pagrenda ng numero uno na hinete ng Bell Racing Stable na si Jonathan “Unoh” Hernandez ay walang hirap na bumanderang tapos si Tell Bell at halata na kaya pang maglabas ng maraming lakas ang naturang kabayo.
Sa pagbukas ng aparato ay bumandera antimano ang ating bida na si Tell Bell, kasunod sa tabing balya si Prime Billing na sinakyan ni Patricio Dilema, pangatlo sa gawing labas si Melania na pinatungan ni Oneal Cortez, pang-apat si Grandi Moments na ginabayan ni Kelvin Abobo, habang si Glamour Girle na pinatnubayan ni John Alvin Guce ang bugaw sa simula.
Pagtungtong sa back stretch ay bandera pa rin ang paborito na si Tell Bell, kasunod sa gawing labas ang pinakadehado na si Melania, pangatlo ang kuarto liyamado na si Grandi Moments, nalipat sa pang-apat ang segundo liyamado na si Prime Billing, habang ang tersero liyamado na si Glamour Girle ay nanatili sa likuran.
Pagsapit sa far turn ay nasa harapan pa rin ang winning horse na si Tell Bell, kasunod pa rin si Melania, pangatlo si Grandi Moments at dumidikit sa ika-apat na puwesto sina Glamour Girle at Prime Billing. Pagpasok sa home stretch ay solo ayre pa rin si Tell Bell, habang nagdidikdikan sa kanyang likuran sina Glamour Girle at Prime Billing.
Pagdating sa rektahan ay binagsakan pa rin ni Unoh ang kanyang sakay kaya lalo pang lumayo si Tell Bell at nagsimula ng pakainin ng alikabok ang kanyang mga katunggali. Tinawid ni Tell Bell ang meta ng may malayong kalamangan laban sa nasegundo na si Prime Billing, tersero si Glamour Girle at pumang-apat si Melania. Nakapagtala si Tell Bell ng tiyempong 1:26.2 (13′-22′-23′-27) para sa distansyang 1,400 meter sapat upang makubra ang premyong P720,000 bilang kampeon.
Matatandaan na si Tell Bell din ang nagwagi sa ginanap na 2023 Philracom “3YO Maiden Trial Race” nung Enero 28, sa parehong karerahan. Kaya tiyak na marami sa bayang karerista ang nag-aabang sa muling pagtakbo ng bagong pambato ng Bell Racing Stable na si Tell Bell.