TIKLO ang apat katao na sinasabing sangkot sa pangmomolestiya sa dalagita sa Oslob, Cebu kamakailan.
Sa inilabas na ulat ni Brig. Gen. Nicolas Torre III, acting chief ng Criminal Investigation and Detection Group, ang apat na suspek ay nadakip sa Barangay Casay, Dalaguete, Cebu nitong Linggo ng gabi.
Nabatid na ang umano’y panghahalay sa 15-anyos na biktima ay naganap noong Disyembre 9.
Ang krimen ay naiulat lamang ng ina ng biktima nitong Disyembre 12.
Kaugnay nito ay kaagad na kumilos ang mga awtoridad at sa pamamagitan ng CCTV footage at mga nakalap na impormasyon sa ilang saksi ay nalaman na ang mga suspek ay mula sa Dalaguete, Cebu na dumalo lamang sa nasabing piyesta.
Batay sa report, nilapitan ng grupo ng kalalakihan ang biktima noong Disyembre 9 sa Cuartel Heritage Park habang idinaraos ang Oslob Grand Fiesta.
Kasalukuyang nakaupo sa nasabing parke ang biktima at sa paglapit ng grupo ay niyayaya siyang mag-inom ng alak.
Lumilitaw na 13 ang lalaki na umano’y nagsagawa ng pang-aabuso sa biktima.
Napag-alaman na ilang araw pagkalipas ng insidente ay binawian ng buhay ang biktima.
Ang apat na suspek ay kasalukuyang nasa pangangasiwa ng CIDG Regional Field Unit-7. RUBEN LACSA