17 Hired-on-the-spot sa Jobs Fair sa Ibaan

LUNGSOD NG BATANGAS(PIA)—Isinagawa ng lokal na pamahalaan ng Ibaan sa pakikipagtulungan ng Public Employment Service Office at Department of Labor and Employment(DOLE) ang Trabaho Para sa Ibaeno jobs fair sa Recto Gym noong ika-8 ng Pebrero.

Ang aktibidad ay bahagi ng pagdiriwang ng ika-191 taong pagkakatatag ng bayan ng Ibaan.

Ayon kay Lea Catapang,PESO Manager bagama’t ipinakalat nila ang impormasyon ukol sa gagawing jobs fair hindi ito dinagsa ng mga tao at isa sa nkikitang dahilan ay ang regular nilang pagsasagawa ng local recruitment activity kada linggo.

“Tuwing araw ng Biyernes ay may mga kumpanya na regular na nakikipag-ugnayan at pumupunta sa PESO Ibaan upang magsagawa ng local recruitment activity kanilang ang Epson, PKIMT at iba pa.

Karamihan sa mga nag-aaplay dito ay hired-on-the-spot at napansin namin na habang tumatagal kumukonti na ang naghahanap ng trabaho dahil madami na dito ang may trabaho kaugnay ng LRA”, ani Catapang.

Isa ang pagbibigay ng trabaho o hanapbuhay sa mandato ng lokal na pamahalaan kung kaya’t patuloy ang pakikipag-ugnayan sa mga kumpanyang nangangailangan ng empleyado upang patuloy ding maserbisyuhan ang mga Ibaeno na naghahanap ng pagkikitaan.

May 17 HOTS ang naitala sa isinagawang jobs fair na dinaluhan ng kulang 100 job applicants. Ang iba naman sa mga ito ay nakahanay para sa company interview para sa kanilang inaplayang posisyon. (MDC/PIA-Batangas)