Walang masama sa pagpapakain ng ‘askal’ o ‘pusakal’

PAMILYAR naman kayo siguro sa mga tira-tirang pagkain?

Samahan na natin ng mga buto ng karne ng baboy, baka o manok at maging ng tinik ng mga isda.

Kung tawagin ay mga ‘pispis’ na naipapakain sa mga alagang hayop kagaya ng aso at pusa.

Natural na kapag mga tinik ng isda ay para sa pusa at sa aso naman ang mga buto.

May pagkakataong magkahalo na ang buto at tinik na nakakalamang sa pagkain ng mga ito ay ang aso.

Kung wala man alagang hayop ay mayroong tinatawag na mga asong gala at ‘pusakal’ o pusang kalye.

Ang mga ganitong hayop ang nakikinabang sa mga ‘pispis’ sa halip na itapon na lamang.

Ikaw ba ay kabilang sa mga nagpapakain ng ‘askal’ o ‘pusakal?’

Maganda naman kung ikaw ay nakakapagpakain ng aso o pusa na nasa lansangan.

Tanong lamang ay responsable ka ba naman sa pagpapakain ng mga galang hayop?

Kung ikukumpara ay mas nakararami ang ‘pusakal’ kaysa sa ‘askal’ o asong kalye.

May mga tira-tira kang pagkain o ‘pispis’ subalit walang alagang hayop kaya ibinibigay na lamang sa aso o pusa na nasa kalye.

Ipupuwesto o ilalagay ang mga ‘pispis’ sa isang butas na daluyan ng tubig o kanal.

Hindi idiniretso sa butas para agusin ng kanal kaya nangangahulugan na ipapakain sa mga hayop lalo na sa mga ‘pusakal.’

Okey lang kung open space, kaso paano kung ang naturang butas o kanal ay nasa tapat o harap ng isang bahay?

Malinaw na ipapakain sa mga hayop dahil ang ‘pispis’ ay basta na lamang iniwanan sa bungad ng butas at hindi idiniretso sa kanal.

Kung ang tao kapag natapos kumain ay mayroong mga tira-tira o ‘pispis’ ay ganoon din ang mga hayop kapag sila ay pinakain.

Ang mga natirang ‘pispis’ na ibinigay sa hayop ay nakatiwangwang sa malapit sa butas ng kanal.

Ang kalalabasan ay pamumugaran ng mga langaw o kaya naman ay lalanggamin ang mga natirang ‘pispis’ na hindi inubos ng aso o pusa.

Magreresulta pa sa masangsang na amoy na ang magsasakripisyo ay ang tao o mga nakatira sa bahay na nasa tapat ang butas ng kanal na pinag-iwanan ng mga ‘pispis.’

Ang kasangsangan ay sasabay sa ihip ng hangin at malalanghap ang mabahong amoy.

Hindi pa iyan ang perwisyong dulot dahil mayroon pa.

Kalimitan kapag nagpakain ng ‘pispis’ ay nagkakanya-kanyang bitbit ang mga hayop.

May aso na kakagat ng piraso ng buto at aalis na kapag nakalayo na ay doon nanamnamin ang pagkain.

Ganoon din sa pusa, kapag nakakuha ng tinik ay mas pipiliing magsolo.

Sa tapat ng naturang bahay doon nagpunta ang pusa na kagat-kagat ang tinik o piraso ng isda.

Nakaakyat ng gate ang pusa at doon sa garahe nilantakan ang nadagit na pagkain o tinik mula sa mga ‘pispis’ na basta iniwanan sa malapit sa butas ng kanal.

Langaw at langgam na sa labas ng bahay ay langaw at langgam pa rin sa garahe kaya doble linis ang gagawin.

Tanungin ang sarili, pagkatapos kumain ay ano ang gagawin sa mga ‘pispis?’

Itatapon ba o ipapakain sa mga aso o pusa na nasa kalye?

Aba! Kung ipapakain sa ‘askal’ lalo na sa ‘pusakal’ ay maging responsable sa pagpapakain na hindi nakakaperwisyo.

Dapat ay mayroong kainan na paglalagyan ng mga ‘pispis’ at sa tapat ng bahay mo magpakain ng mga hayop.

Pagkatapos kumain ng mga aso o pusa ay linisin ang lalagayan at tiyaking walang maiiwang kalat sa lapag.

Iyan ay kung concern talaga sa mga hayop sa kalye.

Kung hindi man ay itapon at idiretso na sa butas ang mga ‘pispis’ pero tiyaking bubuhusan ng tubig para anurin ng kanal.

Pero kung tutuusin ay hindi nga dapat itapon ang ‘pispis’ sa kanal dahil bukod sa posibleng pagbabara ay pamumugaran ng mga daga.

Ulitin lamang natin na hindi masamang magpakain ng mga aso o pusa na nasa lansangan, gawin lamang ito ng wasto at walang napeperwisyo.