Nagliyab sa galing ang paboritong kabayo na si Daily Burn sa katatapos na 22nd Klub Don Juan De Manila Derby na pinakawalan sa pista ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Hindi nagpabaya ang hineteng si John Alvin Guce na agad kumapit sa harapan upang hindi maiwanan at upang masiguro na maipanalo ang laban. Sa pagbukas ng aparato ay bumandera antimano ang matulin na si Light Bearer na nirendahan ni Isaac Ace Aguila, agad naman na umarangkada ang ating bida na si Daily Burn upang makadikit sa unahan, pangatlo sa tabing balya si Magandang Dilag na pinatungan ni Pablito Cabalejo, kumakaskas naman sa ika-apat na posisyon si Perfect Delight na minaniobra ni Mart Gonzales na hindi maganda ang naging salida, panlima si Easy Does It na ginabayan ni Jomer Estorque, habang si Israel na pinatnubayan ni John Allyson Pabilic ang bugaw sa simula. Pagsapit ng back stretch ay ang kuarto liyamado pa rin na si Light Bearer ang nagtitimon sa unahan, nakakapit pa rin sa ikalawang puwesto ang liyamado na si Daily Burn, pangatlo ang segundo liyamado na si Perfect Delight, pang-apat ang quinto liyamado na si Magandang Dilag, kasabay ang tersero liyamado na si Easy Does It, habang ang pinakadehado na si Israel ay nanatili sa likuran. Bago sumapit ang far turn ay walang hirap na inagaw ni Daily Burn ang bandera kay Light Bearer, bumubulusok naman si Perfect Delight upang makalapit sa unahan at rumeremate na rin si Easy Does It. Papasok ng home stretch ay nagsimula ng lumobo ang kalamangan ni Daily Burn, nagkukumahog naman sa paghabol si Perfect Delight, at nagbabanatan sa ikatlong puwesto sina Light Bearer at Easy Does It. Pagdating sa rektahan ay nagliliyab pa rin sa pagtakbo ang winning horse na si Daily Burn kaya pinakitaan na lang ni John Alvin ng latigo ang kanyang sakay at hindi na kinailangan na hatawin pa. Tinawid ni Daily Burn ang meta ng may malayong kalamangan, sumegundo si Perfect Delight, tersero si Light Bearer at si Easy Does It ang pumang-apat. Nirehistro ni Daily Burn ang tiyempong 2:06.6 (25′-25-25-24-27) para sa distansyang 2,000 meter, sapat upang mahamig ng winning horse owner na Swakto Elite Fitness, Inc. ang premyong ₱900,000 bilang 1st prize, kumubra din ang koneksyon ni Perfect Delight ng ₱337,500 bilang segundo, naibulsa naman ni Light Bearer ang ₱187,500 bilang tersero, at ₱75,000 ang nauwi ni Easy Does It bilang 4th placer. Sa iba pang karera ay nanalo ang top favorite na kabayo na si Bea Bell na sinakyan ni Jonathan Hernandez sa ginanap na 2023 PHILRACOM “2YO Maiden Stakes Race” Nagwagi rin ang paborito na si Mommy’s Love na ginabayan ni Francisco Tuazon sa ginanap na Klub Don Juan De Manila Juvenile Stakes Race, at nanaig din ang galing ng liyamadong si Jaguar na lulan ni Jeffril Zarate sa ginanap na 2023 PHILRACOM- PCSO “3YO Locally Bred Grand Derby”. Congrats!