ANG pagkuha ng sertipikasyon sa barangay ay batay sa kung ano mang kadahilanan o uri ng paggagamitan nito.
Pero dapat ay maging maingat ang pamunuan ng barangay sa pagbibigay sa sino mang humihingi ng barangay certification.
Ilang tauhan ng Pasay City Police ang nagtungo kamakailan sa Maynila at mayroong hinahanap na tao.
Natunton ang bahay sa Maynila subalit wala ang taong hinahanap.
Ang naturang bahay ay napuntahan ng mga pulis-Pasay batay sa address na nakalagay sa barangay certificate na inisyu sa tao.
Pero ang nakatira sa bahay o address na iyon ay isang barangay kagawad na nagsabi sa mga pulis-Pasay na hindi niya kilala ang taong hinahanap.
Dahil hindi kilala ng kagawad ang naturang tao kaya labis ang pagtataka at bakit o paanong nagamit ang kanyang address.
Pinatunayan din ng ibang mga tao roon sa mga pulis-Pasay na ang pangalan o taong hinahanap ay kailan man ay hindi natira sa kanilang lugar lalo na sa bahay ng kagawad.
Maging aral o magsilbing babala ito sa lahat ng barangay na tiyaking hindi lamang basta kilala bagkus ay talagang nakatira sa kanilang nasasakupan ang pagbibigyan ng sertipikasyon.
Hinahanap ng mga pulis kaya malamang na may reklamo o kaso ang taong iyon.