3 YEAR OLD & ABOVE MAIDEN RACE

Panalo ang paboritong kabayo na si Give Me A Break sa ginanap na 3 Year Old & Above Maiden Race noong nakaraang Linggo na pinakawalan sa karerahan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Pursigido ang hineteng si John Sajhed De Ocampo na maipanalo ang kanyang sakay na si Give Me A Break na kahit nahirapan at nabulabog sa harapan ay nairaos pa rin sa rektahan. Sa umpisa ay maganda ang naging salida ng ating bida na si GIve Me A Break ngunit agad siyang kinapitan ni Mr. Brown upang makipagsabayan sa unahan. Pagsapit ng medya milya ay naglulutsahan pa rin sa harapan sina GIve Me A Break sa gawing labas at Mr. Brown sa tabing balya, habang sabay na umaarangkada sa likuran sina Lateral Gaze at Tanging Ikaw. Pagpasok ng far turn ay si Tanging Ikaw naman ang bumubulabog kay GIve Me A Break habang bumagsak sa ikatlong puwesto si Mr. Brown. Pagsungaw ng rektahan ay halos magpantay sa unahan sina GIve Me A Break at Tanging Ikaw ngunit hindi nagpatinag si John Sajhed at binagsakan ng todo ang kanyang sakay kaya pagdating sa huling 100 meter ay naging klaro na ang kalamangan ng winning horse. Sumegundo kay Give Me A Break si Tanging Ikaw, tersero si Mr. Brown at si Lateral Gaze ang pumang-apat. Pumoste si GIve Me A Break ng tiyempong 1:28.6 (14-23′-24-27) para sa 1,400 meter race.