Nambulaga ang bahagyang nadehado na kabayo na si Ghost matapos sikwatin ang korona sa ginanap na 2023 PHILRACOM “3rd Leg Juvenile Stakes Race” na inilarga sa pista ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Walang takot ang hineteng si John Alvin Guce sa ibabaw ng kanyang sakay na si Ghost na kahit nanggaling sa likuran at nasalto sa rektahan ay nagawa pa rin na manaig sa laban. Sa largahan ay umalis ng pansiyam ang ating bida na si Ghost habang nakikipaglutsahan ang kanyang kakuwadra na si Simply Jessie kay Spolarium sa harapan. Pagtungtong ng back stretch ay nagbabakbakan pa rin sa unahan sina Simply Jessie at Spolarium habang nasa ikawalong puwesto si Ghost. Papasok ng far turn ay muling nahawakan ni Simply Jessie ang bandera habang sabay na rumeremate sina Every Sweat Counts, BIll Jordan, Morning After at umaarangkada na rin si Ghost. Pagsapit ng home stretch ay naagaw na ni Bill Jordan ang bandera habang malakas na rumeremate si Ghost ngunit bahagyang nasalto kaya kinabig palabas ni John Alvin ang kanyang sakay at muling binagsakan. Sa huling 100 meter ay malakas pa rin ang dating ng ating winning horse kaya tuluyan na siyang nakalamang bago tumawid sa meta. Pumorkas kay Ghost si Bill Jordan, pasok sa trifecta si Morning After at si King James ang bumuo sa quartet. Nakapagtala si Ghost ng tiyempong 1:41.4 (24′-24-25-28) para sa distansyang 1,600 meter sapat upang mahamig ng winning horse owner na SC Stockfarm Inc. ang premyong ₱1,080,000 bilang kampeon.