MAYROONG ipinadalang liham ang Kagawaran ng Kalusugan sa ating Pambansang Pulisya.
Hinihiling na sana ay makatiyak na ang mga kabataan ay mailayo sa paggamit ng electronic cigarettes o vapes.
Sinasabing dahil sa sin tax sa tobacco kaya noong 2019 ay 12 porsiyento na lamang ang tobacco sa youth mula sa 22 percent noong 2007.
Malaki ang ibinababa subalit bigla ay tumaas sa pagsulpot ng e-cigarettes.
Sa 2019 Global Youth Tobacco Survey nga ay nasa 11 percent ng mga mag-aaral sa buong bansa ang gumagamit ng tobacco, 10 porsiyento ang naninigarilyo at 14 percent ay e-cigarettes naman ang gamit.
Batay naman sa datos ng Philippine Pediatric Society noong 2021 ay 11 percent ng mga estudyante na nasa edad 10 hanggang 15 ang nagsisimulang gumamit ng vape.
Hindi naman maikakaila iyan dahil maraming tindahan na malapit lamang sa mga paaralan ang nagbebenta ng sigarilyo gayundin ang mga vape store.
Style ng ibang store owner ay nagbebenta ng sigarilyo subalit hindi nagpapasindi.
Kaya lang ay hindi problema iyon dahil karamihan sa mga estudyante o bumibili ay may dalang sariling posporo o lighter.
Ito ay isang paghamon sa ating kapulisan pero dapat ang mga magulang o guardian ay mayroon ding partisipasyon hinggil dito.
Teka! Bigla kong naalala ang ilang pwesto ng kainan sa area ng Makati City na nagtitinda rin ng ‘yosi.
Hindi naman estudyante ang mga parorkyano bagkus ay mga nasa right age na at mga nagtatrabaho.
Ganoon din ang istilo, nagbebenta ng sigarilyo pero walang paninding lighter.
Ang malupit ay ang presyo ng bawat piraso o stick ng sigarilyo.
Trese pesos (P13) ang isang stick ng yosi kaya P260 ang presyo ng isang kaha.
Average na lang na makaubos ng limang kaha ng ‘yosi sa loob ng isang araw, labas na ang puhunan ay malinaw na lagpas sa P600 ang kikitain.
Lupit ng presyuhan, parang nasa hotel o restoran.
Tanong ay wala na bang pananagutan na nagtinda lamang at hindi naman nagpasindi ng ibinentang sigarilyo?
Balikan natin ang mga kabataan at estudyante, iwasan ninyo ang yosi at vape.
Mayroong sigarilyo lamang pero matindi ang iba dahil vape at ‘yosi ang pinagpapalit-palitan.