PALAGI na nating naririnig ang panawagan ng mga kinauukulan sa tuwing nagkakaroon ng insidente ng pagtatalo o pag-aaway sa lansangan dahil sa pagmamaneho.
Dati nga ay maging si Pangulong Bongbong Marcos, Jr. ay nanawagan na rin ng hinahon sa lahat ng nagmamaneho.
Hindi na rin naman maikakaila na marami ng katulad na insidente na nangyari sa hanay ng mga nagmamaneho ng kung ano mang uri ng behikulo.
Mahirap naman agad-agad magbibigay ng komento o konklusyon batay sa napanood na video.
Isa lamang naman talaga ang katotohanan na lubhang maraming ‘maaangas’ na tsuper dagdag pa ang kawalan ng disiplina sa pagmamaneho ng sasakyan, single motorcycle, tricycle, e-bike/trike, at bisikleta.
Kung minsan tuloy na kahit anong lamig ng iyong ulo ay kukulo at kukulo pa rin kapag nakatagpo ng ganitong klase ng drayber.
Ikaw na ang tipo ay defensive driving dahil hindi lang sarili ang inaalala kundi maging ang iba subalit matatapat sa ‘maangas’ na tsuper na ang resulta ay disgrasya.
Sa lahat ng ‘maaangas’ na drayber, magbago na kayo.
‘Ika nga ay kung gusto ninyong mamatay kaagad o magpapakamatay ay ‘wag mandamay pa.