HINDI sukatan kung gaano man kataas ang pinag-aralan o kababa ang inabot na edukasyon para tingnan ang personalidad ng bawat tao.
College graduate nga lalo at master degree pa subalit hanggang sa simpleng antas lamang ng pamumuhay ang natatamo.
Mayroong college level lamang o high school graduate pero maayos ang buhay gayundin ang kahit elementarya lamang ang natapos o hindi talaga nakapag-aral.
Mayroong salat sa edukasyon o hindi talaga nakapag-aral subalit gumanda ang buhay mula sa trabahong pinasukan.
‘Ika nga ay mas mahusay na titser ang karanasan na dahil sa ipinakitang magandang performance sa trabaho ay unti-unting umaangat ang posisyon.
Hindi man pumasok ng trabaho subalit sinubok ang maliit na negosyo sa kabila na walang pinag-aralan pero nagsisimula ang pag-angat dahil sa ekspiryensa na may kasamang pagtitiyaga at pagpupursigi.
May pinag-aralan man o wala na pumapasok sa negosyo na hindi nagtatagumpay dahil sa sinasabing hindi nakaukit sa tadhana.
Kumbaga ay hindi kapalaran na kung hindi ukol ay hindi bubukol o kung talagang hindi para sa iyo ay hind isa iyo.
Pumasok sa kung ano mang pinakamababang posisyon sa trabaho pero hinubog ng karanasan.
Ang punto rito ay huwag maliitin ang sino mang karaniwang manggagawa o mayroong maliit na negosyo dahil ikaw ay edukado o propesyunal dahil umiikot ang mundo.
Pwedeng ang ‘minamata’ o minamaliit mo sa ngayon ay maaaring iyong tingalain bukas.