Nasaksihan ng bayang karerista ang magandang panalo ng tersero liyamadong kabayo na si Istulen Ola sa katatapos na 2024 PHILRACOM “Commissioner Dante M Lantin Cup” na ikinasa sa pista ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Lulan ng Philippine Sportswriters Association (PSA) Jockey of the Year na si John Alvin Guce ay nanguna at napanatili ni Istulen Ola ang kanyang lakas hanggang sa rektahan upang makasilat sa laban. Sa largahan ay agad na umarangkada ang bida na si Istulen Ola upang mahawakan ang bandera, ngunit agad din siyang kinapitan ng paborito na si Boss Emong upang hindi makalayo sa harapan, habang nagkumpulan sa likuran sina War Cannon, Don Julio at Magtotobetsky. Pagsapit ng back stretch ay si Istulen Ola pa rin ang nagmamando sa unahan, habang nakaalalay pa rin sa ikalawang puwesto si Boss Emong, pangatlo si War Cannon, pang-apat si Don Julio at bugaw si Magtotobetsky. Papasok ng far turn ay hawak pa rin ni Istulen Ola ang bandera, kaya nagsimula ng kumilos si Boss Emong upang makadikit at makipagsabayan sa harapan, habang bumubulusok sa ikatlong puwesto si War Cannon. Pagsungaw ng rektahan ay bahagyang naagaw ni Boss Emong ang bandera kay Istulen Ola ngunit hindi sumuko ang winning horse at nanatiling palaban upang makabalik at makipagbakbakan. Pagdating ng home stretch ay naggigirian pa rin sa harapan sina Boss Emong at Istulen Ola kaya binagsakan na ng todo ni John Alvin ang kanyang sakay upang magkaroon ng komportableng kalamangan. Tinawid ni Istulen Ola ang meta ng may dalawang kabayong bentahe laban sa sumegundo na si Boss Emong, tersero si War Cannon at si Don Julio ang pumang-apat. Nakapagtala si Istulen Ola ng tiyempong 1:39 (26′-23′-22′-26′) para sa distansyang 1,600 meter. Bukod sa tropeo ay kumubra din ang winning horse owner na si Melaine C. Habla ng premyong ₱1,080,000 bilang kampeon.