MABAGAL magpatakbo ng motorsiklo si Pedro kaya malayu-layo pa lamang ay namamataan na niya ang isang nakahintong motor na ang rider ay kausap ng pulis.
Papalapit na si Pedro at papaalis na ang naturang motor na ikinagulat naman niya dahil sinenyasan at pinahinto siya ng pulis.
Oplan sita ang sabi ng pulis kay Pedro kaya inilabas at ipinakita sa pulis ang papel ng kanyang motor pati lisensiya.
Napabulong o nasambit ni Pedro na sa dinami-dami ng mga nagdaan o nauunang mga motor sa kanya ay siya pa ang natiyempuhan ng pulis.
Maagap na sabi ng pulis ay kung masama o bawal bang parahin si Pedro.
Nasambit lamang iyon ni Pedro bilang bahagi ng kanyang ekspresyon, iyon bang tipong malas naman at siya pa ang natiyempuhan sa dami ng mga nagdaraang motor.
Sa lugar na iyon ay sadyang hindi na inaalis ang karatulang ‘checkpoint.’
Luminga-linga si Pedro at wala siyang nakitang ibang pulis maliban lamang sa nagpahinto at nanita sa kanya.
Kumbaga ay ‘oplan sita mag-isa’ ang nasabing pulis dahil solo lamang at walang kasamang mga kapwa-parak.
Maliban lamang sa isang sibilyan na biglang sumulpot na kaagad ay inilabas ang cellphone para sa pag-video o pagkuha ng mga litrato habang kausap ng pulis si Pedro.
Ngayon, dapat bang palakpakan o papurihan ang pulis na solo o mag-isa lamang na nagsasagawa ng oplan sita?
Ano po sa palagay ninyo?