Nakapitas ng panalo ang segundo liyamadong kabayo na si Ridgers matapos magpasiklab sa ginanap na 3 Year Old & Above Maiden Race na inilarga sa karerahan ng Metro Manila Turf Cllub Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Mahusay ang pagkakarenda ni Class A rider Jonathan Basco Hernandez sa kanyang sakay na si Ridgers kaya naman naging magaan din ang kanilang panalo sa pambungad na karera. Sa kaagahan ng laban ay nagmasid sa ika-anim na puwesto si Ridgers habang namamayagpag sa unahan ang matulin sa largahan na si Wide Oval. Pagsapit ng back stretch ay hawak pa rin ng dehadong si Wide Oval ang bandera, kasunod ang quinto liyamado na si Memorable Julliane, pangatlo ang paborito na si Vezzali, pang-apat ang tersero liyamado na si Warhammer at nagsimula ng kumaskas sa ikalimang puwesto ang bida na si Ridgers. Papasok ng far turn ay walang hirap na inagaw ni Ridgers ang bandera kay Wide Oval, habang humaharurot din sa gawing labas si Vezzali upang makipagsabayan sa harapan, ngunit pagdating ng home stretch ay marami pang lakas ang mailalabas ng winning horse kaya nung pinitik ni Unoh ang kanyang sakay ay tuluyan nang lumobo ang kanilang kalamangan. Pumorkas kay Ridgers si Vezzali, pasok sa trifecta si Warhammer at si Victorious ang bumuo sa quartet. Nirehistro ni Ridgers ang tiyempong 1:27 (13′-23-24-26′) para sa distansyang 1,400 meter.