COOL SUMMER FARM STAKES RACE  

Nangibabaw ang galing ng segundo liyamadong kabayo na si Hans City sa ginanap na Cool Summer Farm Stakes Race na ikinasa sa karerahan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Ginabayan ni reigning Philippine Sportswriters Association (PSA) Jockey of the Year John Alvin Guce si Hans City na nagpakita ng galing at potensyal kaya panigurado na maisasabak pa ito sa mas malaking stakes race. Sa pagbukas ng aparato ay umarangkada kaagad si Villa Lorelle upang mahawakan ang bandera, hindi naman nagpaiwan si Unli Burn upang makipagbakbakan sa unahan, malayong tersero ang paborito na si Every Sweat Counts, habang nakapuwesto sa pang-anim ang bida na si Hans City. Pagsapit sa medya milya ay ang dehado na si Villa Lorelle pa rin ang nagdidikta sa harapan, ngunit pagdating ng far turn ay inagaw na ni Unli Burn ang bandera habang nagsisimula ng rumemate ang magkakuwadrang Louiseville at Hans City. Papasok pa lang ng home stretch ay inungusan na nina Louiseville at Hans City si Unli Burn kaya pagsungaw ng rektahan ay nangibabaw na ang dalawang magkakampi sa unahan.Sa rektahan ay nagbadya pa si Boss Lady na makasilat sa laban ngunit hindi na ito pinaporma ni John Alvin at agad na binagsakan ang winning horse upang masiguro ang kanilang panalo. Tinapos ni Hans City ang laban ng may tatlong kabayong kalamangan mula sa pumorkas na si Boss Lady, pasok sa trifecta si Every Sweat Counts at si Unli Burn ang bumuo sa quartet. Pumoste si Hans City ng tiyempong 1:43.6 (25-24-25-29′) para sa distansyang 1,600 meter sapat upang mahamig ng winning horse owner na si Louise Ann Decena ang ₱600,000 bilang 1st prize.