ROAD TO TRIPLE CROWN  

Walang hirap na bumanderang tapos ang paboritong kabayo na si Batang Manda sa ginanap na 2024 PHILRACOM “Road To Triple Crown Stakes Race” na inilarga sa pista ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Sakay ng beteranong hinete na si Patricio Ramos Dilema ay sinisiw ni Batang Manda ang kanyang mga kalaban at nagpakita ng angas mula umpisa hanggang meta. Sa pagbukas ng aparato ay bumandera antimano ang bida na si Batang Manda, pero agad din na umarangkada ang tersero liyamado na si Added Haha upang makalapit sa harapan, nasa ikatlong puwesto naman ang quinto liyamado na si Heartening To See, pang-apat ang segundo liyamado na si Ghost, habang nasa panlima, pang-anim at pampito sina Sting, Jengs Had Enough at Over Azooming ayon sa pagkakasunod. Pagsapit ng medya milya ay tangan pa rin ni Batang Manda ang bandera, ngunit unti-unting dumidikit sa unahan si Added Haha kaya ginalawan na ni Patty ang kanyang sakay na si Batang Manda at papasok ng far turn ay bumalik sa dalawang kabayo ang kanilang agwat. Pagsungaw ng rektahan ay hawak pa rin ni Batang Manda ang komportableng kalamangan at dahil sa walang lutsa at walang pressure na naganap sa harapan ay magaan na tinawid ng winning horse ang finish line. Sumegundo kay Batang Manda si Added Haha, tersero si Ghost at si Heartening To See ang pumang-apat. Nakapagtala si Batang Manda ng tiyempong 1:41.6 (27′-24-23′-26′) para sa 1,600 meter race sapat upang maibulsa ng winning horse owner na si Benjamin Abalos Jr. ang ₱600,000 na premyo. Dahil sa pagkapanalo ni Batang Manda ay nagkaroon ng idea ang mga karerista kung sino ang susunod na kampeon sa karerahan at panigurado na isa si Batang Manda sa magiging paborito sa nalalapit na serye ng triple crown.