APO NI MARIA, RUMATSADA!  

Rumatsada ng malupit ang top favorite na kabayo na si Apo Ni Maria sa ginanap na PHILRACOM Ratings Based Handicapping System (RBHS) Class 5 (5 Split) (Placers) na pinakawalan sa karerahan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Hindi nagpatinag sa init at sa tindi ng sikat ng araw ang hineteng si Ber Jomel Galleta na pursigidong maipanalo ang kanyang sakay na si Apo Ni Maria. Sa simula ay agad na umarangkada si Heaven N Earth upang mahawakan ang bandera, ngunit agad siyang binuntutan ng ating bida na si Apo Ni Maria upang umalalay sa harapan, pumwesto sa ikatlo si Honey Ryder, pang-apat si Signature Whiskey, habang si Princess Mamba ang bugaw sa umpisa. Pagdating ng back stretch ay ang tersero liyamado na si Heaven N Earth pa rin ang nagdidikta sa unahan, nasa ikalawang puwesto pa rin ang paborito na si Apo Ni Maria na naghihintay ng magandang tiyempo para umatake, pangatlo ang kuarto liyamado na si Honey Ryder, pang-apat ang segundo liyamado na si Signature Whiskey habang ang quinto liyamado na si Princess Mamba ay nanatili sa likuran. Pagsapit ng far turn ay hawak pa rin ni Heaven N Earth ang bandera kaya nagsimula ng kayugin ni Ber Jomel ang kanyang sakay at bago pumasok ng rektahan ay nakaungos na sa harapan si Apo Ni Maria. Sa home stretch ay hindi na naawat ang pagratsada ng winning horse kaya tinapos nito ang laban ng may malayong kalamangan. Sumegundo kay Apo Ni Maria si Signature Whiskey, tersero si Heaven N Earth at si Honey Ryder ang pumang-apat. Nirehistro ni Apo Ni Maria ang tiyempong 1:30.4 (15-24-24-29′) para sa distansyang 1,400 meter.