Umaatikabong bakbakan sa rektahan ang ating nasaksihan kung saan ay nanalo ang paboritong kabayo na si Jungkook sa katatapos na 2024 PHILRACOM “Chairman’s Cup” na ikinasa sa pista ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Lulan ng hineteng si Mark Angelo Alvarez ay pinatunayan ni Jungkook na siya ang karapat-dapat na maliyamado matapos muling ilampaso ang karibal na si Don Julio. Sa largahan ay maganda ang naging salida ni Boss Emong na agad umarangkada sa unahan pero makalipas ang ilang metro ay kumaripas kaagad sa tabing balya si Jaguar upang makuha ang bandera. Pagdating sa kalagitnaan ng karera ay tatlong kabayo na ang naging bentahe sa harapan ng kuarto liyamado na si Jaguar, kasunod ang tersero liyamado na si Boss Emong, pangatlo ang segundo liyamado na si Don Julio, nakaabang naman sa ika-apat na puwesto ang bida na si Jungkook, habang nasa malayong panlima, pang-anim at pampito sina War Cannon, Moderne Cong at La Trouppei ayon sa pagkakasunod. Papalapit ng far turn nang agawin ni Don Julio ang bandera ngunit nakasunod agad si Jungkook upang makipagsabayan sa unahan. Pagpasok ng rektahan ay mas tumindi ang bakbakan nila Don Julio at Jungkook na halos magpitpitan sa harapan kaya binagsakan na ni Black Superman ang kanyang sakay na si Jungkook at pagdating sa huling 25 metro ng laban ay nakaungos na ang winning horse. Tinawid ni Jungkook ang meta ng may isang kabayong agwat sa pumorkas na si Don Julio, pasok sa trifecta si Jaguar at si Boss Emong ang bumuo sa quartet. Naorasan si Jungkook ng tiyempong 2:06.8 (26′-24-24′-24-27′) para sa 2,000 meter race sapat upang kubrahin ni winning horse owner Tisha Sevilla ang ₱1,080,000 na premyo.