SIMULA na ngayong Mayo 26 ang pagsasara ng ilang bahagi ng Roxas Boulevard na nasasakupan ng Maynila
Tuwing Sunday ay car-free ito batay sa nilagdaan ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan na Ordinance No. 9047 o ang Move Manila program.
Car-free ang Roxas Boulevard mula Padre Burgos Circle hanggang Quirino Avenue na magsisimula ng alas-5:00 ng umaga na tatagal ng alas-9:00 ng umaga.
Ang pagsusulong ng healthy lifestyles ang isa sa pangunahing layunin ng nasabing programa.
Bukas o nakalaan sa publiko ang naturang area para sa pagsasagawa ng ehersisyo, paglalakad, pagtakbo, jogging at pati ang pagbibisikleta.
Dahil car-free kaya walang ipangangamba sa pagsasakatuparan ng mga nabanggit na aktibidad.
Hindi lamang mga naninirahan sa Maynila bagkus maging ang mga residente ng ilang bahagi ng Metro Manila ay maaari rin magsagawa ng pisikal na aktibidad kasama ang kanilang mga pamilya.
Sa mga ganitong pagkakataon ay batid naman natin na hati ang pananaw.
Kung marami ang natutuwa ay mayroon din na hindi nasisiyahan sa nasabing programa.
Maryosep, ang dahilan o reklamo lamang ay kailangang humanap pa ng ibang madadaanan sa kabila na nagmamadali na sila.
May solusyon naman lalo at alam na ngayon na kada Linggo sa mga nabanggit na oras at bahagi ng Roxas Boulevard ay sarado sa mga sasakyan ay mas agahan ang pag-alis kapag mayroong lakad na doon mapapadaan.
Adjust na lamang sa oras dahil mayroon namang alternate route sa mga oras na iyon.
Iwas sa reklamo kung alam naman natin na higit sa nakararami ang benepisyo nito.