Ibinida ng tersero liyamadong kabayo na si Ghost ang kanyang husay sa pagremate upang makasilat sa katatapos na 2024 PHILRACOM “1st Leg Triple Crown Stakes Race” na ikinasa sa pista ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Walang takot ang hineteng si John Alvin Guce sa ibabaw ng kanyang sakay na si Ghost na kahit nanggaling sa likuran ay nakaremate pa rin ng matulis hanggang sa rektahan. Sa simula ay kulelat sa paglabas ng aparato ang bida na si Ghost habang nagbabakbakan sa unahan ang quinto liyamado na si Worshipful Master at ang paborito na si Bea Bell. Sa kalagitnaan ng laban ay bugaw pa rin si Ghost habang nakihalo na ang segundo liyamado na si Batang Manda sa harapan kina Worshipful Master at Bea Bell. Papasok ng far turn ay bandera pa rin si Worshipful Master habang hirap na makalampas sina Batang Manda, Bea Bell pati na rin si Added Haha. Pagsapit ng home stretch ay lumarga pa sa unahan si Worshipful Master ng tatlong kabayo habang pilit na kumakapit sina Batang Manda at Bea Bell. Pagdating sa huling 200 metro ng karera ay tinawag na ng race caller si Ghost na nasa gawing labas ngunit nasa tatlong kabayo pa rin ang kalamangan ni Worshipful Master kaya nagpakawala na si John Alvin ng malalakas na hataw ng latigo sa kanyang sakay kaya naman sakto ang dating ng winning horse sa finish line. Nanalo si Ghost ng nguso lang ang pagitan sa sumegundo na si Bea Bell, tersero si Batang Manda at si Worshipful Master ang pang-apat. Naorasan si Ghost ng tiyempong 1:42 (25′-24-24-28′) para sa distansyang 1,600 meter sapat upang hamigin ng winning horse owner na SC Stockfarm Inc. ang tumataginting na ₱1.5M na premyo bilang kampeon.