Bumida ang paboritong kabayo na si Jaguar sa katatapos na PHILRACOM – MHP Stakes Race I na inilarga sa pista ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Lulan ng hineteng si Jeffril Tagulao Zarate ay inilampaso ni Jaguar ang kanyang mga katunggali matapos humataw sa rektahan. Sinelyuhan ni Jaguar ang laban ng may malayong kalamangan sa pumorkas na si Istulen Ola, pasok sa trifecta si Easy Does It at si Mimbalot Falls ang bumuo sa quartet. Nilista ni Jaguar ang tiyempong 1:40.4 (25′-24′-24-26′) para sa 1,600 meter race. Bukod sa tropeo ay kumubra din ang winning horse owner na si Juan Miguel Arroyo ng ₱300,000 bilang 1st prize. Ginulat naman ng dehadong kabayo na si Manila Boy na sinakyan ni Mark Angelo Alvarez ang mga kalaban matapos rumemate ng matindi sa PHILRACOM – MHP Stakes Race II. Pumoste si Manila Boy ng tiyempong 1:45.4 (26′-24′-26-28′) para sa distansyang 1,600 meter. Bumagsak naman ang balikat ng mga liyamadista matapos makasilat ang dehadong kabayo na si Speed Fantasy na nirendahan ni Pablito Cabalejo sa MHP – Imported Dream Stakes Race. Nakapagtala si Speed Fantasy ng tiyempong 1:55 (14-22′-24-24′-30) para sa 1,800 meter race.