KAPAG nakagawa ng kasalanan ay tanggap na ba ang paghingi ng sorry?
Depende siguro sa kung anong pagkakasala ang nagawa.
Pagkakasala na may kapabayaan ay kailangang bukod sa sorry ay iba pa ang danyos.
Pagkakasala na may pagbibintang ay dapat siguro na may kaakibat na kaso.
Ibang usapan kasi iyon na hindi lamang basta pagkakasala o pagkakamali bagkus ay mayroong pang-akusa.
Halimbawang kumain sa canteen o karinderya na nagbayad naman subalit papaalis na ay isang tindera ang harapang magsasabing hindi pa nagbabayad.
Tigas ng paninindigan ng tindera na tiwala sa sarili na hindi pa talaga nagbayad ang sinita.
Medyo mataas pa ang boses ng tindera kaya naririnig ng iba pang customer ng kainan.
Nagkataon na may CCTV ang puwesto ng kainan kaya sa pagribyu ay nalaman at napatunayan na talagang nagbayad ang customer.
Kayo ang tatanungin, kung sa inyo nangyari ang ganito ay puwede na ba ang ‘sori?
Sa mga ganitong sitwasyon ay tiyakin muna bago magbintang.
Maaaring makasuhan ang nagbibintang o nag-aakusa.
Mahalaga ang paghingi ng sorry na dapat ay bukal sa kalooban at kita ang pagsisisi.
Pero meron na kahit nakagawa na ng mali o kasalanan ay tigas pa rin ang mukha.