Liyamado ang bumungad noong nakaraang linggo matapos manalo ang paboritong kabayo na si Amor My Love sa ginanap na 3 Year Old & Above Maiden Race na pinakawalan sa karerahan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Sakay ng hineteng si Rico Camba Suson ay isang madaling panalo ang ipinamalas ni Amor My Love na lubos na nagpasaya sa kanyang mga taga-suporta. Sa largahan ay umarangkada kaagad si Sunny Nature upang mahawakan ang bandera, ngunit agad siyang kinapitan ng ating bida na si Amor My Love upang hindi makalayo sa harapan. Sa kalagitnaan ng laban ay si Sunny Nature pa rin ang nagtitimon sa unahan, nakabuntot pa rin sa ikalawang puwesto si Amor My Love at nakaabang sa ikatlong posisyon si American Ford. Pagsapit ng far turn ay nagsimula ng kumayod si Amor My Love kaya bago pumasok ng home stretch ay pumantay na siya kay Sunny Nature sa harapan. Sa home stretch ay tangan na ni Amor My Love ang bandera at pagdating sa huling 100 meter ay tuluyan nang lumobo ang kalamangan ng winning horse. Sumegundo kay Amor My Love si American Ford, tersero si Sunny Nature at si Bumabaga ang pumang-apat. Pumoste si Amor My Love ng tiyempong 1:27.2 (14-23-24′-26) para sa distansyang 1,400 meter.