Nakapanood ng matinding bakbakan sa rektahan ang mga karerista matapos manalo ang naliyamadong kabayo na si Bea Bell sa katatapos na 2024 PHILRACOM “2nd Leg Triple Crown Stakes Race” na ikinasa sa pista ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Dahil sa mahusay na pagmamaniobra ng hineteng si Jonathan Basco Hernandez ay nakabawi na ang kanyang sakay na si Bea Bell mula sa pagkatalo kay Ghost noong 1st Leg at tiniyak na walang sweep na magaganap sa serye ng Triple Crown ngayong taon. Sa umpisa ay humataw kaagad si Worshipful Master upang mahawakan ang bandera habang nakaabang sa ikatlong puwesto ang bida na si Bea Bell. Pagdating ng back stretch ay si Worshipful Master pa rin ang namamayagpag sa unahan kaya hinabol na siya ni Bea Bell upang makadikit habang nasa pangatlo at pang-apat na posisyon sina King James at Batang Manda. Pagsapit ng far turn ay nagbabakbakan na sa harapan sina Worshipful Master at Bea Bell at papasok ng home stretch ay nakihalo na rin sina Batang Manda at High Dollar. Sa rektahan ay naagaw na ni Bea Bell ang bandera ngunit rumeremate naman sa bandang labas si Ghost pero dahil nakabuwelo na ang winning horse ay hindi na rin umabot si Ghost. Pumorkas kay Bea Bell ang nabitin na si Ghost, pasok sa trifecta si High Dollar at si Worshipful Master ang bumuo sa quartet. Nakapagtala si Bea Bell ng tiyempong 1:54.4 (14-23-24-25-28′) para sa 1,800 meter race. Bukod sa tropeo ay naibulsa din ng Bell Racing Stable na pag-aari ni Elmer De Leon ang tumataginting na ₱1.5M na premyo bilang kampeon.