Inilampaso ng kabayong si Christiano ang kanyang mga kalaban sa ginanap na PHILRACOM Ratings Based Handicapping System (RBHS) Class 5 (5) Split (Placers) na inilarga sa karerahan ng Metro Manila Turf Club Inc.(MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Kumayod ng todo ang hineteng si Ryan Jhay Tabor sa ibabaw ng kanyang sakay na si Christiano upang masiguro ang kanilang panalo. Sa umpisa ay humataw kaagad si Eyes On Sunrise upang mahawakan ang bandera, ngunit agad din na umarangkada si Adorable Felicia upang makipagsabayan sa unahan, habang nakaabang sa ikalimang puwesto ang bida na si Christiano. Pagdating ng back stretch ay si Eyes On Sunrise pa rin ang nagtitimon sa harapan, kadikit pa rin si Adorable Felicia habang sabay na rumeremate sina Christiano at Sky Lover. Pagsapit ng far turn ay naagaw na ni Adorable Felicia ang bandera, habang nagkumpulan sa kanyang likuran sina Eyes On Sunrise, Christiano at Sky Lover. Pagpasok ng home stretch ay bakbakan na sa unahan sina Christiano at Adorable Felicia, habang bumubulusok sa gawing labas si Sky Lover at sumisiksik sa bandang gitna si Eyes On Sunrise. Pagdating sa huling 50 meter ay tuluyan nang umalagwa si Christiano at tinapos ang laban ng may dalawang kabayong kalamangan. Pumorkas kay Christiano si Sky Lover, pasok sa trifecta si Eyes On Sunrise at si Adorable Felicia ang bumuo sa quartet. Pumoste si Christiano ng tiyempong 1:30 (14′-24-24-27′) para sa 1,400 meter race.