Malakas na puwersa ang ipinakita ng outstanding favorite na kabayo na si Border Force sa ginanap na 3 Year Old & Above Maiden Race na pinakawalan sa karerahan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Naghintay ng magandang tiyempo ang hineteng si John Sajhed De Ocampo upang makabuwelo at makaremate ng todo ang kanyang sakay na si Border Force. Sa simula ay umarangkada kaagad si Bagsikatdin upang makapuwesto sa unahan, kasunod sa tabing balya ang bida na si Border Force, pangatlo sa gawing labas si B Fit And Fabulous, habang si Raining In Manila ang bugaw sa lahat. Pagdating ng medya milya ay nagmamadaling inagaw ni B Fit And Fabulous ang bandera kaya nalipat sa pangalawang puwesto si Bagsikatdin, habang nakaabang sa pangatlong posisyon si Border Force. Pagsapit ng far turn ay tangan pa rin ni B Fit And Fabulous ang bandera, kasunod pa rin si Bagsikatdin at nagsisimula ng rumemate si Border Force. Pagpasok ng home stretch ay hindi na maawat ang pagbulusok ni Border Force kaya patuloy pang lumobo ang kalamangan ng winning horse pagtawid sa meta. Sumegundo kay Border Force si Bagsikatdin, tersero si B Fit And Fabulous at si Raining In Manila ang pumang-apat. Nakapagtala si Border Force ng tiyempong 1:27.2 (13′-22′-24′-27) para sa distansyang 1,400 meter.